Advertisers

Advertisers

Durog si Trump

0 735

Advertisers

WALANG kasing sakit ang nangyari kay Donald Trump. Anim na araw na lamang at matatapos na ang termino at papalitan ni Joe Biden. Ngunit kamalasan ang sinapit niya; na-impeached sa Kamara de Representante si Trump. Siya ang tanging presidente sa kasaysayan ng Estados Unidos na dalawang beses na-impeached.

Iginisa siya sa Kamara sa isang mabilisang impeachment proceeding. Pagtiis ang puwede niyang gawin sa mga kalaban sa pulitika. Hindi nakaganti dahil inalis ang kanyang account sa Twitter, Facebook, Youtube at iba. Nanahimik na lamang si Trump. Wala siyang ginawa kundi kaawaan ang sarili sa White House. Nawala ang mga kakampi sa kanyang tabi.

Iisa ang reklamo sa kanya ng mga mambabatas. Pinagtaksilan niya ang sinumpaang tungkulin na pangunahan ang Estados Unidos. Tinawag ang mga taga-suporta sa Washington DC upang pigilin ang proseso ng pagbilang ng electoral college votes sa halalan. Ginatungan ang insureksyon noong ika-6 ng Enero sa Capitol Hill.



Sa halip na himasin ang simbuyo ng damdamin ng kanyang taga-suporta, binuyo ni Trump ang mga demonstrador na lusubin ang Kongreso. Natigil ang proseso ng pagbilang; nagkagulo na nauwi sa pagkamatay ng limang tao. Hindi matanggap ni Trump na natalo siya kay Biden. Ipinilit na dinaya siya kahit walang naipakitang ebidensiya.

Na-impeached si Trump sa botong 232-197 at 4 na hindi bumoto. Sampung Republican ang sumama sa mga Democrat upang patalsikin siya. Pupunta sa Senado ang desisyon ng Kamara sa impeachment. Lilitisin si Trump at magdedesisyon ang mga senador kung tatanggalin siya. Kakatwa ang sitwasyon sapagkat lilitisin siya kung kailan tapos na ang kanyang termino.

Nakakatawa na nakakaawa si Trump. Walang istratehiyang legal si Trump upang harapin ang pangalawang impeachment; hindi niya alam ang gagawin. Iniisip niya na bigyan ng pardon (patawad) ang sarili bagaman pinagtatawanan ang hakbang na ito. Hindi pa kasi nangyari ito sa kasaysayan ng Estados Unidos.

***

MAGANDA na sana ang takbo sa programang pambansang bakunang bayan kontra Covid-19 dahil sa positibong balita ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. Gumagalaw ang mga negosasyon sa pagbili ng bakuna, aniya. Ipinalabas niya sa ulat kay Rodrigo Duterte na hindi magiging monopolyo ng China ang Filipinas bilang merkado ng kanilang bakuna. Marami siyang kinakausap na kumpanya ng gamot para sa bakuna.



Ngunit pumasok si Duterte at nasira ang kamada ni Galvez. Ipilit ng tila bangag na lider na magaling ang China. Ani Duterte: “The bakuna that Galvez is buying is as good as any other bakuna na naimbento ng mga Amerikano o mga Europeans. Hindi nagkulang ang Chinese. Hindi sila nagkulang sa utak. Bright itong mga intsik. They would not venture… Kung hindi sapat, it is not safe, sure and secure.”

Tulad ng nakagawian, pinagtawanan na naman si Duterte. Ayon kay Sonny Trillanes, isang masugid na kritiko ng Davao Group, mukhang ahente ng China si Duterte. Sa ganang kanya, mukhang bahagi si Duterte ng isang kampanya upang pabanguhin ang imahe ng China sa international community.

Hindi lang iyan ang sinabi ni Duterte. Sa kanyang pagharap sa telebisyon noong Miyerkoles ng gabi, sinabi niya na nabakunahan na ang halos lahat ng populasyon na 1.4 bilyon ng China. Hindi ito totoo ayon sa fact check ng Philippine Daily Inquirer. Wala pang nagawang pagbakuna ang China. Sa kalagitnaan pa ng Pebrero uumpisahan ang ambisyosong programa na bakunang bayan ng China. Mga 50 milyones ang nakatakdang bakunahan..

***

IGINIIT ng kampo ni Leila de Lima ang pagpapabasura sa mga kasong walang ebidensya laban sa kanya. Magkasunod na araw ang inihaing apela ni Senator Leila De Lima sa Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 205 upang hilingin na ibasura ang dalawa sa tatlong gawa-gawang kaso ng iligal na droga dahil bigo umano ang prosekusyon na makapagpresinta ng matibay na ebidensiya.

Ika-7 ng Enero nang unang ihain ng kampo ni de Lima ang “demurrer to Evidence” sa Criminal Case No. 17-166, kasama niyang akusado si Jose Adrian “Jad” Dera. Nakasaad na dapat itigil ang kaso laban sa kanya dahil walang naipresentang matibay na pruweba ang prosekusyon, matapos iharap ang 21 na testigo at sangkatutak na dokumento sa korte. Ani de Lima, hindi kailangang magpatuloy ang kanyang mga abogado sa paghahain ng kanilang depensa dahil nananatiling espekulasyon ang mga bintang sa transaksyon umano sa pagitan niya at ni Dera.

Ika-8 ng Enero, naghain muli sa korte ang kanyang kampo ng pagbasura sa Criminal Case No. 17-165 na inaakusahan sa pagtanggap ng P5 milyon noong Nobyembre 24, 2012 at P5 milyon noong Disyembre 15, 2012 na galing umano sa transaksyon ng ilegal na droga sa New Bilibid prison para pondohan ang pagtakbo sa pagka-senador. Kasamang akusado ang dating driver na si Ronnie Dayan. Para kay de Lima, matapos ang mahigit tatlong taon ng paglilitis, walang naipakitang ebidensya laban sa senadora.

Binago ng prosekusyon ang naunang isinampang kaso laban sa senadora, mula sa “illegal drug trading” ay ginawa itong “conspiracy to trade illegal drugs” dahil sa kawalan ng anumang patunay sa droga na ibinenta diumano. Tanging testigo aniya na nagsabing nagpadala ng pera sa kanya ay ang dati nitong kapwa akusado sa kaso na si Rafael Ragos, dating officer-in-charge ng Bureau of Corrections, ngunit bigo ito na patunayan na tumanggap ng pera si De Lima.

Binigyan diin ni De Lima na hindi kailanman nangyari iyon at imbento lang ito ni Ragos. Dating akusado si Ragos sa naturang kaso ngunit kinuha siya ng prosekusyon para gawing testigo laban sa kanya. Itinuring ni de Lima si Ragos bilang “weakest link” sa kaso ng prosekusyon, dahil ito ang may pinakamalaking rason o pakinabang para baguhin ang testimonya, para lang umayon sa kanyang personal na interes.

Lalong nawalan ng kredibilidad si Ragos dahil sa mga ebidensyang iprinisenta ng prosekusyon, kabilang ang mga testimonya ng iba pa nilang mga testigo gaya ni NBI intelligence agent Jovencio Ablen, Jr., dating PNP Intelligence Chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong, at mga convict na sina Hans Anton Tan, Vicente Sy, at Peter Co.

Tutukan ang kanyang kaso upang malaman kung ano at sino ang mga pangunahing karakter, aktor, at artista na nasa likod ng pagkakakulong ni de Lim.

***

MGA PILING SALITA: “I believe impeaching the president in such a short time frame would be a mistake…that doesn’t mean the president is free from fault. The president bears responsibility for Wednesday’s attack on Congress by mob rioters.” – Kevin McCarthy, House minority leader

“He must go. He is a clear and present danger to the nation that we all love.” – Nancy Pelosi

“Donald Trump is now the mourner in chief.” – David Brinkley, presidential historian

***

Email:bootsfra@yahoo.com