Advertisers
ITO ang tanong natin sa mahal na Pangulo.
Binantaan po nyo ang PLDT-Smart at Globe Telecommuncations na kailangan na sa katapusan ng Disyembre 2020, kailangan, maayos na ang internet speed at interconnection na matagal nang inirereklamo ng milyon-milyong subscribers nila.
Magagandang praise releases lamang ang improvement na naibigay ng dalawang giant telecom companies, at walang naging pagbabago.
Babawiin ba ng gobyerno ang prangkisa ng Globe at Smart, at gobyerno ang magpapatakbo sa operasyon nila, tulad ng banta ni Tatay Digong?
Ito ang kinasasabikang marinig ng taumbayan mula kay Presidente Rodrigo Roa Duterte samantala, pabor tayo sa panukala bukod sa pagkastigo, dapat ay patawan ng mabigat na multa ang PLDT-Smart at Globe na hanggang ngayon ay nagkakamal ng bilyon-bilyong piso sa kabila ng super kupad, palpak na serbisyong internet speeds sa bansa.
Nakahihiya ang Pilipinas sa mundo na tayo ay isa sa pinakulelat sa bilis ng internet connections.
Ang mabilis na koneksiyon ay hindi na isang bisyo o kapritso lamang: ito ay kabilang na sa ating karapatang pantao, ngayon na tayo ay nasa mundo ng mabilis na paggalaw ng teknolohiya ng komunikasyon.
Kunektado ang internet speed sa bawat minuto ng ating galaw sa buhay.
Mahalagang gamit ito sa pagkuha ng mahahalagang impormasyon, kaalaman at sa negosyo, ‘wag nang idagdag pa ang halaga nito sa talastasan, edukasyon, siyensiya, kalusugan, at iba pang mahalagang porma sa kilos, pagsasalita, sa pagtuklas ngayon sa makabagong mundo ng teknolohiya.
***
Ang average mobile internet speed natin sa Pilipinas ay 18.49 megabits per second (Mbps) at sa ranking, lumalagapak tayo sa puwestong No. 110 sa piling ng 139 bansa.
Ibig sabihin, mabagal ang serbisyo na nakukuha natin sa paghahatid-mensahe na gamit ang ating cellphone.
Konti lamang ang abante natin sa Indonesia sa 17.45 Mbps nito.
Ito ang lumabas sa Speedtest Global Index na kada isang buwan ay sinusuri ang fixed broadband speeds sa buong mundo.
Sa huling ranking ng Speedtest, No. 1 ang United Arab Emirates sa 170.30 Mbps at usad kuhol sa speed na 6.31 Mbps ang Afghanistan.
Ayon pa sa Speedtest, mabilis lang tayo nang bahagya sa mga bansang Bolivia, Namibia, Haiti, Panama, Rwanda, Uganda, Sudan at sa Afghanistan.
Ang karaniwang bilis ng internet connection sa mundo, ayon din sa Speedtest ay 45.69 Mbps, at ang regional average naman ay 30.94 Mbps sa 10 bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Sa average speed na 28.69 Mbps, nasa buntot tayo sa puwestong No.103 sa 176 bansa, at dito, No. 1 ang Singapore sa 241.10 Mbps at nasa buntot sa speed na 3.47 Mbps ang Turkmenistan.
Sa Southeast Asia, tanging ang Cambodia (25.31 Mbps) at Indonesia (23.32 Mbps) ang may slower fixed broadband speeds.
***
Malaki ang kasalanan ng National Telecommunications Commission (NTC) kaya superbagal ang internet connections natin.
Hindi nito kinakastigo at inoobliga ang Globe at Smart na paghusayin at makapantay tayo sa internet speeds ng ating mga kalapit bansa sa Asia.
Kaya suportado natin si Makati Rep. Luis Jose Angel N. Campos Jr. sa kanyang House Bill na utusan ang NTC na magtakda ng mandatory speed targets sa mga internet service providers bawat taon, at kung hindi ito magawa, ay patawan ng malaking multa kada araw.
Batay sa market research company Statista projects, tataas mula sa 65.38 percent hanggang 80 percent ang gagamit ng cellphone mula ngayon hanggang 2025.
Sa panukala ni Campos, kung mabigo ang service provider na makuha ang takdang hagibis ng Internet speed targets bawat taon, ang pataw na multa ay gawing P1 milyon kada araw o P365 milyon.
Matitigil lamang ang multa kung magawa ng telecommunications ang target na tulin ng internet speeds.
***
Pinansin nga ng World Bank sa Philippine Economic Update nito noong Hunyo 2020 na malaki ang papel ng mas mura at mas mabilis na internet speeds upang makabawi agad ang bagsak nating ekonomya bunga ng masamang epekto ng pandemyang COVID-19.
Malaki ang maitutulong sa pagbangon ng ekonomya kung mahusay ang serbisyo ng Globe at PLDT-Smart na sa kasalukuyan, ayon sa World Bank, nasa mahigit na 73 milyon ang internet users sa Pilipinas.
Tungkol sa banta ni Pangulong Duterte, nais nating malaman ang gagawin ng gobyerno ngayon na kitang-kita na hindi nakatupad ang dalawang higanteng telecommunications company na maging hagibis sa tulin ang internet connections tulad ng kanilang ipinangako.
Nakadepende sa husay at pagsabay natin sa digital world ang buhay at kamatayan ng ating bansa ngayong lugmok na tayo sa utang, at maraming negosyo, industriya at hanapbuhay ang patuloy na pinapatay ng “veerus” ng COVID-19.
***
Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.