Advertisers

Advertisers

98th Malasakit Center binuksan sa Rodriguez, Rizal

0 304

Advertisers

PERSONAL na dinaluhan ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagbubukas ng ika-98 Malasakit Center sa Casimiro A. Ynares Sr. Memorial Hospital sa Rodriguez, Rizal nitong Martes.

Ito na ang ikaapat na Malasakit Center sa Rizal, dagdag sa Antipolo City Hospital System Annex IV, Bagong Cainta Municipal Hospital at sa Margarito A. Duavit Memorial Hospital. Ito rin ang pang-52 sa Luzon.

Sa kanyang speech, pinuri ni Go ang sakripisyo at serbisyo ng medical workers at iba pang frontliners sa patuloy at walang pagod na paglaban sa COVID-19 pandemic.



“Nagpapasalamat ako sa lahat ng frontliners. Sa mga doktor, nurse, pati pulis. Hindi basta-basta ang ginagawa niyo, lalo sa panahon na ito. Ipaglalaban namin ang kapakanan ninyo,” ani Go.

Bilang chairman ng Senate committee on health and demography, nangako si Go na ipaglalaban ang kapakanan ng medical community, partikular na ang ulat na delays pa rin ang pagbibigay sa kanila ng hazard pay at special risk allowance benefits.

“Ang sahod at benefits na dapat mapunta sa inyo ay dapat ibigay. Kapag may reklamo kayo, sabihin niyo sa akin at ako mismo ang magsasabi o magbubulong kay Pangulo [Rodrigo Duterte],” ayon sa senador.

“‘Yung mga (responsible na opisyal na) nag-delay ng benefits ng mga namatay na doktor, ngayon suspendido na. Isipin niyo, hindi basta-basta ang mamatayan ng mahal sa buhay. Bakit natin sila pinahihirapan kung pwede namang gawing isang linggo o tatlong araw ‘yan?” giit ni Go.

Umapela rin si Go sa marami pang disenteng kawani ng Philippine Health Insurance Corporation na ingatan ang pondo ng taxpayers at lumahok sa pagsugpo sa katiwalian para matiyak na ang nakararating sa mga Filipino ang medical care na kanilang kailangan.



“Kami ni Pangulo, hindi kami titigil labanan ang korapsyon sa PhilHealth. Kaya natin ipinagpaliban ang increase sa kontribusyon ay dahil rin maraming nawalan ng trabaho… Saan sila kukuha para sa kontribusyon? Masakit bumunot ng pera sa bulsa na pinagpawisan nila at masasayang at nanakawin lang ng iilang empleyado r’yan sa PhilHealth,” ani Go.

“Kaya tulungan niyo kami ni Pangulo na labanan ang korapsyon at ibalik natin sa tao ang pera na kanila, lalong-lalo na ang mga pasyente na walang matakbuhan na halos nagmamakaawa mapahaba lang ang buhay nila,” dagdag pa ng mambabatas. (PFT Team)