Advertisers
KUNG hindi namatay si Danny Lim, mananatili itong chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hanggang matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 3,2022.
Matagal na ring MMDA chairman si Lim.
Ngunit, wala akong nakitang “substansiyal” na pagbabago sa Metro Manila mula nang italaga siyang pinuno ng MMDA.
Kung tutuusin, nakalalamang ang MMDA kay Lim dahil marami itong kasama sa liderato na ‘napakaraming nalalaman’ sa isyu ng trapik.
Pokaragat na ‘yan!
Andyan sina Jose Arturo “Jojo” Garcia Jr., Edison “Bong” Nebrija at Celine Pialago.
Ilang makaraang pumanaw si Lim, itinalaga ni Duterte si Benjamin “Benhur” Abalos Jr.
Si Abalos ay naging alkalde ng Lungsod ng Mandaluyong.
Sa panahon niya, tinaguriang “Tiger City” ang Mandaluyong dahil sa napakarami niyang nagawa upang sumulong at umasensyo ang ekonomiya ng lungsod.
Naging kinatawan din siya ng solong distrito ng Mandaluyong sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Si Abalos ay kasapi ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP – Laban) kung saan ang chairman nito ay si Pangulong Duterte.
Sa madaling salita, beterano na si Abalos sa pamahalaan.
Marami na rin siyang napatunayan.
Ngunit, hindi biro ang pagkakatalaga sa kanya sa MMDA dahil mahigit isang taon na lamang siyang manunungkulan.
Kung tatakbo siyang senador sa tiket ng PDP – Laban ay hanggang Oktubre na lang siya sa MMDA.
Pokaragat na ‘yan!
Kaya, napakalaking hamon ang trabaho ni Abalos sa MMDA.
Paglutas pa lamang sa napakalaking problema ng trapik sa daloy ng mga sasakyan sa Epifanio delos Santos Avenue, o EDSA, ay isa nanag napakalaking hamon.
Siyempre, dagdag na trabaho niya ang trapik sa iba pang malalaking kalsada tulad ng Commonwealth Avenue, Quezon Avenue at Taft Avenue.
Dagdag – problema pa ang mga korap na MMDA Traffic Enforcers.
Kaya, subaybayan natin kung anu-ano ang mga kagilas-gilas na desisyon at hakbang ni Chairman Benhur Abalos.