Advertisers
INAASAHANG magiging 15 ang bilang ng mga quarantine facility sa Maynila bago matapos ang buwan ng Agosto, kasabay nito ang planong rehabilitasyon ng San Andres Complex quarantine facility rehabilitated upang higit pang mapagsilbihan ang publiko.
Ito ang sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno kasabay na rin ng panawagan sa publiko na isapraktika ang ‘kusang disiplina’ pagdating sa pagsunod sa minimum health standards upang mapangalagaan ang kani-kanilang sarili at mga mahal sa buhay laban sa COVID-19.
Nitong mga nakaraang araw ay halos umabot na sa 85 porsyento ng kakayanan ng pamahalaang lungsod pagdating sa pagtanggap ng mga nagpositibo sa corona virus, ayon sa alkalde.
“Pag-ingatan nyo ang sarili nyo… magkusang disiplina tayo kasi punong-puno na … sa kalsada na kayo gagamutin, sa basketball court na kayo gagamutin. Sa barangay hall na kayo matutulog dahil wala pong paglalagakan kaya kailangan natin talagang mag-ingat”, paliwanag at apela ni Moreno.
Ayon kay Moreno nang simulan nila ni Vice Mayor Honey Lacuna ang pagtatayo ng quarantine facilities, ay hindi halos mapuno ito sa mababang bilang ng mga nagkaka-COVID, pero ngayon ay halos masagad na ang kapasidad nito.
Sa simula pa lamang ng pandemya ay nakapagtayo na ng 12 quarantine facilities na may total bed capacity na 600.
Bago matapos ang buwang kasalukuyan inaasahan nina Moreno na Lacuna makapagbukas ng bagong quarantine facility sa Quiapo at MLQU at isa pa sa secluded portion ng basketball court area ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.
Sinabi rin ni Moreno na ang quarantine sa San Andres Sports Complex ay ire-re-equipped, ire-redesigned at ire-retrofitted bilang paghahanda sa posible pang pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng kailangang tanggapin.
Ang fifth district ng Manila ang may pinakamaraming populasyon sa lungsod, sunod sa Tondo. (Andi Garcia)