Advertisers
ODIONGAN, ROMBLON – Ito nga ba ang pinangangambahan ng lahat. May planong gawing monopolyo ng China ang Filipinas pagdating sa bakuna laban sa Covid-19. Pangunahin sa mga nagplano ang mga maituturing na taksil sa bayan na pinumumunuan ng sino pa kundi si Rodrigo Duterte. Wala silang plano na bigyan ang sambayanan na mamili ng akmang bakuna para sa kanila.
Walang kalayaan mamili. Bagaman umaalma ang mga pamahalaang lokal sa pamamagitan ng kani-kanilang plano at deklarasyon na aangkat sila ng mga bakuna na hindi gawa at galing sa China, kontrolado ng national government sa pamamagitan ng Department of Health at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang mga importasyon.
Kailangan ang lagda nina Francisco Duque III at Carlito Galvez Jr. upang makaangkat ang mga LGUs ng mga bakuna na gawa sa mga bansa sa Kanluran. Samantala, mistulang sales agent ng China si Duque na nagtutulak sa bakuna na gawang China na may mataas ang presyo at mababang uri sa bisa at galing.
Mukhang hindi nakikita o nararamdaman ni Duterte at sampu ng kanyang alipures na malaki ang pagdududa ng maraming mamayan sa bakuna na gawang China. Hindi katanggap-tanggap ang bisa nito. Hindi napatunayan sa pagsasaliksik na totoong mapipigilan ng bakuna ang pagkakasakit sanhi ng mapinsalang virus. Kulang ang mga datos.
Nakadagdag pa si Harry Roque na patuyang nagsalita na hindi tayo dapat maging pihikan sa bakuna. Gusto niyang lunukin natin ang bakuna ng China. Sino ba itong si Roque? Walang matinong credential si Harry. Bigong manananggol sa karapatang pantao si Harry. Maraming high profile cases na hinawakan si Harry, ngunit hindi namantsahan ng tagumpay ang kanyang record. Ayon kay Ariel Ayala ng Radio Veritas, walang ipinanalong kaso si Harry.
Ambisyoso si Harry. Matayog ang pangarap. Gustong maging senador kaya dumikit sa Davao Group. Gagawin ang lahat makuha lamang ang ambisyon. Kahit iba ang pagkatao at maging puta sa dilang mga puta. Ngunit mahinang klase si Harry. Hindi siya magaling. Wala siyang maikapupuring record upang maging senador ng bansa.
Isinusuka si Harry kahit sa liga ng mga manananggol ng bansa. Hindi siya makabalik sa pagtuturo ng batas sa UP Diliman sapagkat masasabing mabaho ang record niya dahil sa pagsama kay Duterte. Masahol pa siya sa maysakit ng ketong. Iniiwasan si Harry. Patunay na wala na siyang kaibigan.
Hindi natutuwa ang mga senador na gawing monopolyo ng China ang bansa bakuna gawa at galing sa kanila. Sa pagdinig ng Senado, hindi mapigil na magtanong si Frank Drilon kung bakit asal-Diyos ang mga opisyales ng DoH, IATF, at Food and Drug Administration pagdating sa usapin ng bakuna. Gusto ng mga opisyales ng ahensiya na kontrolin ang pag-angkat ng mga bakuna hindi galing sa China.
Mas madali ang usapin ng bakuna kung aalisin ang mga pagkontrol sa pag-angkat at tuluyang payagan ang mga LGU at pribadong kumpanya na umangkat ng bakuna para sa kanilang nasasakupan at empleyado. Hindi kailangan sa eksena sina Duque at iba pang opisyales sapagkat balakid lamang sila sa pag-aangat.
***
MABAHO ang China sa Filipinas. Ayaw ng mga Filipino ang anumang galing sa China. Patunay ang mga ilang survey na nagpapakita ng labis na pagkamuhi pagdating sa usapin ng China. Hindi lang pagkasuklam ang nararamdaman ng mga Filipino. Nandiyan ang pangamba sapagkat hindi malinaw kung ano ang intensyon ng China.
Sinakop ng China ang ilang isla sa West Philippine Sea at nagtayo ng base militar doon. Hindi kinakitaan ng pagtutol si Duterte at mga alipures. Maliban sa Magdalo Party List, halos walang nagsasalita pagdating sa pamamayagpag ng China. Mistulang kolonya tayo ng China dahil sa kawalan ng ngipin ng liderato. Pagtataksil sa bayan ito.
Maiging iharap ang pagtataksil ng mga lider ng bansa bilang isa sa mga pangunahing isyu sa halalang pampanguluhan sa 2022. Magandang magkaroon ng masusing talakayan sa usapin na ito. Hindi natutulog ang bayan pagdating sa pagtataksil sa bayan. Maiging makilala ng lubusan ang mga taksil sa bayan. Maiging maisiwalat ang kanilang kataksilan.
***
MASUSI naming sinusubaybayan ang mga kagaapan sa Estados Unidos at totoong mangha-mangha kami sa bilis ng mga pangyayari. Desidido silang sipain si Donald Trump na mistulang isang bunging leon. Hindi makapanakot sapagkat nawalan siya ng tinig. Wala na siyang account sa Twitter at iba pang social networking site.
Sinisipa-sipa na lang si Trump. Hindi siya makaganti sapagkat walang matinong media platform ang magdala ng kanyang tinig at sagot. Itinutulak ni Ispiker Nancy Pelosi ang impeachment kay Trump. Isinulong rin ni Pelosi ang 25th Amendment. Habang isinusulat namin ang kolum na ito, binigyan ni Pelosi ng 24 oras si Bise President Mike Pence upang matanggal si Trump sa pamamagitan ng 25th Amendment.
Magkaiba ang 25th Amendment at impeachment. Paraan ng Ehekutibo ang 25th Amendment samantalang sa Kongreso naman ang impeachment. Pupulungin ng mga kasapi ng Gabinete ni Trump upang ideklarang hindi na kaya ni Trump na mamuno dahil nagkasakit na ito at idedeklarang kapalit ni Trump ang Bise Presidente.
Hindo totoo na may giyera sibil sa Estados Unidos. Hindi digmaan ang nangyayari sa Amerika. Kasalukuyang hinahabol ang mga taong responsable sa insureksyon sa Capitol Hill noong ika-6 ng Enero. Hinahabol ang mga lider ng Proud Boys, Qanon, KKK, at iba pang grupong maituturing na nasisiraan ng bait. Papanagutin sila sa batas.
Hindi kaya ng mga maka-kanan ng grupo na gumawa ng digmaan sa Estados Unidos. Wala silang armas maliban sa matabil na dila at megaphone. Kaya mabuting kalimutan nila ang digmaan at harapin ang kanilang pagkakasala sa batas.
***
MGA PILING SALITA: “There’s a term of art for public officers who choose to buy an expensive and underperforming vaccine with the hard earned money of Filipinos: Graft and Corruption under Rep. Act No.3019.” – Pilo Hilbay
“May colonial mentality daw pag mas gusto ang mga Western brands na vaccine; Pero mental colony naman ang tawag sa mga gustong mag vaccine kahit na hindi pa sigurado sa safety ng ibang vaccine.” – Edwin Lacierda
“Taking the Chinese vaccine is like having a Russian roulette.” – Netizen Rodolfo Hilado Divinagracia, netizen
***
Email:bootsfra@yahoo.com