Sen. Pacman may bahid-pulitika ang pagsawsaw sa kaso ni Dacera?
Advertisers
Ni JULIET Q. PACOT
BILIB din naman ako kay Senator Manny Pacquiao dahil sa pagiging sawsawero nito sa kaso ng pagkamatay ni Christine Angelica Dacera, na nagpayanig sa 2021.
Sinasabi ng kampo ni Pacman na kilala ng senador ang pamilya ni Dacera sa General Santos City kaya ganun na lang ang suportang ibinibigay nito sa pamilya ng biktima.
Pero ano raw ba ang tunay na agenda ni Pacquiao gayung marami na ang pumoporma sa 2022 national election na maugong na tatakbo bilang presidente ang tinaguriang Pambansang Kamao.
Sabi nga ng netizens, bakit hindi na lang daw asikasuhin ni Pacman ang iba pang problema sa bayan kaysa makisawsaw sa kontrobersyal na isyu.
Nauna rito, sa kabila ng pakiusap ng kampo ng mga respondent, mananatili pa rin daw ang ₱500,000 na pabuya para sa ikadarakip ng iba pang suspek.
Ang ilan sa mga itinuturing na suspek ay naglabas na ng kanilang pahayag habang ang tatlo pa sa kanila ay nakulong ngunit napalaya na rin dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Hamon naman ni Pacquiao, kung totoong mga kaibigan ito ni Dacera, nararapat lamang umano na lumantad upang mas mapabilis ang pagresolba ng kaso.
Dagdag pa ng senador, ang halagang P500,000 ay mapupunta bilang tulong- pinansyal sa pamilya ni Dacera kung ang mga akusado ay kusang-loob na lalantad at magbibigay ng kani-kanilang salaysay tulad ng nagawa ng nauna nang anim.
Ayon pa kay Pacquiao, kung maituturing na totoong mga kaibigan ang iba pang hindi pa nagpapakita sa publiko, dapat lamang daw na lumantad na sila bilang tulong sa paglutas sa kaso ni Dacera.
Nagsimula nang maging masalimuot ang kaso sa tunay na dahilan ng pagkamatay ni Dacera, na unti-unting natuklasang over-dose ang sanhi ng pagputok ng mga ugat nito sa utak at isang “Mark” ang huling pangalang namutawi sa labi nito na umano’y naghalo ng kakaibang gamot sa kanyang inumin.