Advertisers
UMAPELA si MANILA Mayor Isko Moreno sa lahat ng mga deboto ng Itim na Nazareno na huwag ng ipilit ang prusisyon sa Sabado, Jan. 9, sa mismong araw ng kapistahan dahil ipinagbabawal ito sa panahon ng pandemya.
Nanawagan din si Moreno sa mga deboto na dumalo sa misa sa loob ng kanilang tahanan dahil gagawin naman ito ng live sa pamamagitan ng online mass. Sa ganitong paraan ay makakaiwas pa na ma-expose ang kanilang sarili sa coronavirus.
Binigyang diin ng alkalde na ang taunang ‘Traslacion’ o prusisyon ay kinansela bilang pagtugon sa national government regulations kontra mass gatherings at upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng to coronavirus.
Sinabi pa ni Moreno na may ilang kalye na isasara upang matiyak na hindi ito gamitin ng mga deboto na pilit pa ring magsasagawa ng prusisyon na maaring humikayat nang napakaraming tao na siyang ipinagbabawal ng batas.
Samantala ay mamamahagi ng libreng face mask ang Manila Public Employment Service Office (MPESO) sa mismong araw ng Pista sa Sabado para sa mga deboto na inaasahan pa rin na dadagsa sa Simbahan ng Quiapo kahit na kanselado na ang taunang Traslacion.
Magpapakalat rin ang MPD ng mga tauhan sa mga kalsada para mapigil ang mga deboto sa pagsasagawa ng kanilang sariling prusisyon para sa replica at mahigpit na magpapatupad ng mga ‘safety protocols’.
Inianunsiyo na rin ng MPD na simula sa Biyernes (Enero 8) ay isasara ng Traffic Enforcement Unit ang ilang mga kalsada at magpapatupad ng traffic rerouting scheme.
Kabilang sa mga saradong kalsada ang southbound lane ng Quezon Blvd (Quiapo) mula A. Mendoza/Fugoso hanggang Carlos Palanca Street; northbound lane ng Quezon Blvd mula Carlos Palanca hanggang Fugoso; westbound lane ng España Boulevard mula P. Campa hanggang A Mendoza St.; kahabaan ng Evangelista St. hanggang P Paterno St. at Recto Ave.; at kahabaan ng Palanca St. mula Carriedo/Plaza Lacson hanggang P Casal Street.
Sarado rin ang kahabaan ng Ronquillo Street mula Rizal Avenue hanggang Plaza Sta. Cruz at kahabaan ng Bustos Street mla Plaza Sta. Cruz hanggang Rizal Avenue. (ANDI GARCIA)