Advertisers
ODIONGAN, Romblon — MULING nagtatalak sa harap ng kamera si Rodrigo Duterte. Tulad ng nakagawian, nagagalit ang tila bangag na lider. Nais niya na itigil ng Senado ang plano na ipatawag si Brig. Gen. Jimmy Durante, hepe ng Presidential Security Group (PSG), upang ipaliwanag ang pagpupuslit ng mga bakuna kontra Covid-19 at ang palihim na pagtuturok sa kanila kahit hindi pa naapruba ng Food and Drug Administration (FDA) ang bakuna.
Hindi nais ni Duterte na ibinisto siya ni Durante sa harap ng mga senador na siya ang nag-utos kay Durante at mga sundalong bumubuo sa PSG na magpaturok ng bakuna na galing ng China kahit na magmukha silang daga na ginagamit sa eksperimento sa mga gamot. Alam ni Duterte na magsasabi ng totoo si Durante at mga kasama sa Senado.
Mayroong “honor code” ang mga nagtapos sa Philippine Military Academy, ang pangunahing paaralan ng mga sundalo sa bansa. Sinusunod ng mga alumni ng PMA ang honor code kahit na nasa labas na sila ng PMA. Hindi nila ugali ang magsinungaling.
Pilit na binibigyan ni Duterte ng katwiran ang paglabag ng mga sundalo sa batas. Kailangan nila ng bakuna upang mapangalagaan ang sarili kontra sa mapanganib na virus. Sa pagbabantay sa pangulo, humahalo sila sa publiko. Nagpabakuna sila upang mapangalaagaan ang sariling kalusugan at maski ang kalusugan ng pangulo, aniya.
Pinatatamaan ni Duterte si Richard Gordon, isang senador na humihingi ng siyasat sa inasal ni Durante at PSG. Hindi minura ni Duterte si Gordon na hepe ng Philippine Red Cross, ang civil society organization na nagbibigay ng swab test sa mga mamamayan. Nasa P780-M ang utang ng gobyerno sa PRC. Hinihingi ni Gordon ang P500-M bilang kabayaran kara-karaka.
Huwag ipagtaka ang asal ni Duterte sa pagsisiyasat ng Senado sa PSG. Nakakalungkot na ang Commander-in-Chief ng Armed Forces ang lalabag sa chain of command. Trabaho ng Kongreso na suriin ang Ehekutibo. Poder ng Kongreso ang siyasatin ang mga gawain ng Ehekutibo dahil bahagi ito ng kanilang poder sa pagkontrol sa salapi ng taong-bayan.
Mapanganib ang pagkunsinti ni Duterte sa mga sundalo. Nangangahulugan na pagkawala ng disiplina sapagkat ang pangulo mismo ang hadlang sa anumang pagsisiyasat. Sa ganang amin, nagpapasikat si Duterte. Nais niyang palabasin na kunsintidor siya kahit mali ang mga sundalo. Hindi ito maganda sa isang demokrasya.
Lumalabas na mapanlupig at mapanuwag si Duterte. Wala siyang konsepto ng katarungan. Tanging ang kanyang interes lamang ang iniisip. Bumalik na tayo sa diktadurya kung saan tanging si Duterte lamang ang nasusunod. Marapat lamang na pumalag ang mga mambababatas – kung may natitira pa silang dangal sa sarili.
***
BALUKTOT ang katwiran ni Duterte sa paggamit ng bakuna. Sa paningin niya, marapat lamang na mauna ang mga sundalo. Hindi siya nahihiya na sabihin ang ganito: “At even if talagang nauna [ang PSG], mauna talaga ang military. Ang military at ang pulis ang mauna, kasi pag mawalan tayo ng pulis pati military, out of control ang bayan.”
Iyan ang problema kapag walang konsepto ng katarungan ang pinuno. Totoong may problema ang Filipinas sa ganyang uri ng pinuno.
***
HUWAG tatalon na parang tsonggo sa tuwa sa pagsusumite ni Tito Sotto ng isang panukalang batas na nagbibigay ng bagong prangkisa sa ABS-CBN. Sapagkat iyan ay isa lamang panukalang batas, walang malinaw kung magiging batas iyan. Nagpahayag si Vilma Santos-Recto, kinatawan ng Batangas, na magsusumite siya ng kanyang bersyon sa Kamara de Representante.
Dadaan pa sa isang proseso ang dalawang panukalang batas. Hindi natin alam kung bibigyan ng daan ng mga ito sa Senado at Kamara. Walang malinaw na senyales sa Malacanang. Ngunit may senyales si Ispiker Lord Allan Velasco na pabor siya sa pagbibigay ng bagong prangkisa sa naisarang ABS-CBN. Batid niya na walang kasalanan sa bayan ang ABS-CBN.
Walang nakitang dahilan ang sambayanan na pagkaitan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN. Mistulang isinuka ng bayan ang mga mambabatas na walang habas na kumontra sa panukalang batas na nagbibigay ng bagong prangkisa ng ABS-CBN. Nangyari iyan noong nakaraang taon.
Nakita ang kahalagahan ng ABS-CBN matapos dumaan ang bansa sa malupit na lockdown na dulot ng Covid-19 at ilang mapinsalang bagyo na humagupit sa bansa. Sapagkat walang matinong estasyon ang nag-ulat mula sa mga liblib na lugar, nahirapan ang mga rumesponde. Hindi kaya ng GMA-7 at iba pang estasyon ang ganito kalaking trabaho.
Dalawang bagay ang masasabi tungkol sa ABS-CBN: una, wala itong kasalanan sa bayan na pinaglingkuran; at pangalawa, isa itong kawalan nang maipasara dahil sa lumipas na prangkisa. Naniniwala kami sa muling pagbabalik ng ABS-CBN sa himpapawid.
Gayunpaman, ipinakita ng ABS-CBN na kaya nitong mabuhay kahit walang prangkisa. Kanilang pinaunlad ang kanilang serbisyo gamit ang teknolohiyang digital. Masigabong itinulak ng higanteng estasyon ang kanilang online platform. Isang malaki itong tagumpay nasa 30 porsiyento lamang ng mga Filipino ang may access sa Internet.
***
LUBHANG nakakabahala ang mga ulat tungkol sa Covid-19. Ayon kay Guido David ng OCTA Research, patuloy na tataas ang bilang ng mga magkakasakit ng virus. Inaasahan na aabot sa 2,000 ang bagong kaso kada araw ng Covid sa buong bansa. Hindi mapipigilan ito dahil sa pagiging aktibo ng maraming tao sa Kapaskuhan.
Nakakatakot ang Metro Manila. Kung aabot sa mahigit 1,000 ang dadapuan ng sakit kada araw, delikado ang Metro Manila. Papalpak ang healthcare system ng Metro Manila sapagkat walang sapat na bilang na ospital, pribado at publiko, na tatanggap sa mga pasyente. Ibayong kakalat ang sakit, ani David.
***
MGA PILING SALITA: “Don’t trust the lawmakers who are now making a U-turn re ABS-CBN franchise. Election year is next year, it doesn’t take a genius to see why.” – PonyongT, netizen
“The people of Luzon and a big part of the Visayas have long evolved as Filipinos. When an Ilocano meets a Bicolano, they would converse in Tagalog and, most likely, end up having a drinking session. The same is true with a Kapampangan and a Waray. An Ilonggo and a Tagalog would likely drink their favorite gin or beer. There’s hardly any animosity. Nag-iinuman lang… All that we could see is camaraderie. No one among them feels superior. Not even the Manilenos.
“Not with the people of Mindanao. It’s the Muslims vs. the Christians vs. the Lumads. Even the Cebuanos of Mindanao are not comfortable with the Ilonggos of Mindanao or the Tagalogs of Mindanao. Magulo sila. Every person should have his firearm or sidearm. Now, these political leaders from Mindanao want to bring that culture of violence and impunity through federalism to the rest of the Philippines? No way… A big NO!” – PL, netizen
***
Pagbati kay Mylene Otis, tumayong solong ina sa kanyang limang anak pagkatapos namayamapa ang kanyang asawa, na nagdiriwang ng kaarawan ngayon. Sa likod ng pagiging palaban laban sa pang-aabuso at katiwalian ng mga namumuno sa gobyerno ay may mababang kalooban. Hindi niya maitago ang sobrang kilig sa nalalapit na kasal ng kaniyang unica hija.
***
Email:bootsfra@yahoo.com