Advertisers
NOONG 2020, nabalita na kasama si Cesar Virata sa mga unang dinapuan ng sakit na Covid-19. Ginamot siya sa Asian Hospital sa distrito ng Alabang sa Muntinlupa City. Pinalad siyang makaligtas kahit 89 anyos na siya. Hindi kilala ng maraming milenyal si Cesar Virata.
Sino si Cesar Virata?
Isa sa mahalagang haligi ng diktaduya ni Ferdinand Marcos si Cesar Virata. Siya ang prime minister at pangunahing economic manager, o tagapamahala ng mga usaping pangkabuhayan, ng diktadurya. Si Virata ang pinuno ng Ministri ng Pananalapi na ang pangunahing trabaho ay lumikom ng buwis at iba pang kita para sa gobyerno.
Pinamumunuan ni Virata ang paksyon ng mga teknokrata sa gobyerno ni Marcos. Sila ang mga lingkod bayan na gumamit ng karunungan sa teknolohiya sa serbisyo publiko. Kasama ni Virata ang mga teknokrata na sina Alejandro Melchor, Armand Fabella, Vicente Paterno, Gerardo Sicat, Placido Mapa Jr., Manuel Alba, Jaime Laya, Jobo Fernandez, at Joey Leviste. Lubhang makapangyarihan ang paksyon ni Virata sa diktadurya sapagkat hawak nila ang malaking bahagi ng gobyerno.
Huwag magkamali sapagkat may ibang teknokrata si Marcos. Hindi kasali sa paksyon ni Virata sina Roberto Ongpin at Geronimo Velasco. May sarili silang paksyon at koneksyon kay Marcos. May sariling teknokrata si Imelda Marcos na tulad nina Roman Cruz Jr., Jolly Benitez, at Eduardo Morato.
Humugot ng kakaibang lakas si Virata sa diktadurya ni Marcos dahil siya ang pangunahing negosyador sa pangungutang sa ibang bansa at mga ahensiyang multilateral at bilateral tulad ng International Monetary Fund (IMF), World Bank (WB), at Asian Development Bank (ADB). Si Virata ang kausap ng mga nagpautang sa Filipinas dahil siya ang kanilang pinagtiwalaan. May nabuong reputasyon si Virata sa pagiging tapat (honest) at mahusay at may kakayahan (competent). Pagdating sa utang, walang ibang kausap sa gobyerno kundi si Virata lamang.
Dahil timon ng pananalapi ng bansa si Virata, hindi naalis ni Marcos ang teknokrata. Wala nagawa ang paksyon ng mga pulitiko na pinangungunahan ni Imelda at paksyon ng mga militar na na pinamumunuan ni Gen. Fabian Ver. Wala nagawa ang paksyon ng mga kroni ni Marcos tulad ni Roberto Benedicto at Danding Cojuangco.
Si Virata ang lumikom ng mga buwis at mga inutang upang tugunan ang pangangailangan ng diktadurya. Siya ang responsable sa pananalapi ng bansa. Hangggang sa wakas, nakasandal si Marcos kay Virata bagaman hindi maingay at tahimik siya na magtrabaho. Hindi nasabit sa eskandalo si Virata at nanatiling malinis ang pangalan dahil hindi siya nagpayaman sa poder.
Bagaman nagtapos ng engineering si Virata sa UP Diliman, naging dekano siya ng UP College of Business Administration. Tinapos niya ang kanyang masteral degree sa Wharton School ng University of Pennylvaniay. Nagtrabaho siya sa SGV at bahagi ng kanyang tungkulin ang pagbisita sa Taiwan at South Korea kung saan nakita niya ang pag-uland ng dalawang bansa sa unang bahagi ng 1960. Kasama sa transition team si Virata nang manalo ang tambalang Ferdinand Marcos-Fernando Lopez sa halalang pampanguluhan noong 1965.
Isa sa mga teknokrata si Cesar Virata na nakalap ni Rafael Salas na executive secretary ni Marcos noong 1965. Nanungkulan siya na undersecretary ng pananalapi sa unang apat na taong termino ni Marcos. Noong 1970 (pagkatapos na muling mahalal na pangulo si Marcos noong 1969), o simula ng pangalawang termino ni Marcos, nanombrahan siya bilang kalihim ng pananalapi. Hindi bahagi si Virata sa mga mahalagang personalidad na may alam sa deklarasyon ng batas militar noong 1972.
Dahil sa matinding pangangailangan na makapangutang upang sustenahan ang diktadurya, pinamunuan ni Virata ang istratehiya sa pangungutang. Dito niya naramdaman na kailangan siya ni Marcos. Alam niya na hindi siya maaalis sa puwesto dahil siya ang may kakayahan na kumausap sa mga nagpapautang.
Pangunahing arkitekto si Virata ng doktrina ng IMF-WB na buksan ang Filipinas sa mga dayuhang mamumuhunan at gawin ang pagluluwas ng produkto (export) bilang pangunahing istratehiya sa pagpapalago ng kabuhayan. Pareho sila ni Marcos na naniniwala sa malaking papel ng dayuhang puhunan (foreign investment) sa pag-unlad ng bansa. Naniniwala sila sa trade liberalization, o pagpapaluwag sa kalakalan ng mga bansa sa pamamagitan ng pagbabawas ng buwis (tariff) sa mga kalakal.
Kinapitan ni Virata ang export oriented economic strategy bilang doktrina ng kaunlaran sa Filipinas. Hindi ito nagtagumpay sa dakong huli. Hindi umunlad ang Filipinas sa pagpapalakas ng export industry. Hindi ito ang naging bagong Japan., South Korea, o Taiwan. Nagkaroon ang Filipinas ng napakalaking utang panlabas (foreign debt). Kailangan ayusin ni Virata ang salansan ng mga utang. Walang matibay ng export industry upang maging haligi ng Filipinas.
Si Virata ang humarap sa mga nagpautang sa Filipinas. Binago ang schedule ng pagbabayad ng utang ang Filipinas ng mga nagpautang. Kapalit ng bagong schedule sa pagbabayad ang mga mapang-aping structural adjustment program (SAP) na ipinataw ng IMF-WB.
Hindi diretsong idinikta ng IMF-WB ang mga bagong economic policy sa bansa. Ngunit bawal ang mga maluhong gastos, subsidyo sa mga monopolyo sa pansakahan at ibang industriya, at malaking gastusin sa social services tulad ng edukasyon. Sinakal ang bansa sa mga idiniktang numero ng IMF-WB. Ipinatupad ito ni Virata hanggang patalsikin si Marcos sa isang payapang himagsikan sa EDSA noong 1986.
Matindi ang dynamics sa loob g naghaharing koalisyon ni Marcos. Hindi hinayaan ni Virata na magdikta si Imelda. Palagi niyang tinutulan ang mga maluhong proyekto ni Imelda. Napilitan si Imelda na humanap ng ibang pagkukunan ng pondo para sa kanyang proyekto. Minsan siyang tinawag na “Dr. No” ni Imelda dahil sa pagtanggi sa kanyang mga proyekto.
Ipinangalan kay Virata ang College of Business Administration ng UP Diliman. Kontrobersyal ito dahil sa kanyang naging papel sa diktadurya. Ngunit pinanindigan ng Board of Regents ang desisyon kahit marami ang tumutol. Nagdiwang ng ika-90 na kaarawan si Cesar Virata noong ika-12 ng Disyembre. Tahimik siyang namumuhay at nananatili siyang vice chair ng board of directors ng Rizal Commercial Banking Corporation, isang expanded commercial bank.
***
HININGI ko sa isang tweet sa mga nagsusulat sa wikang Filipino na ayusin ang kanilang balarila. Hindi pinasara kundi ipinasara. Hindi pinatago kundi ipinatago. Isang mabisang sangkap ng epektibong pakikipagtalastasan ang paggamit ng tamang balarila. Huwag mag-atubili na balikan ang mga aralan sa balarila