Advertisers
INAPRUBAHAN na ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila ang isang ordinansa na nagbabalik sa alas-8:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga na “curfew hours” habang nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang buong Metro Manila.
Sa isinagawang “special session” nitong Miyerkules ng Manila City Council sa pangunguna ni Majority Floor Leader at 3rd District Councilor Atty. Joel Chua at ni Vice Mayor Maria Sheilah ”Honey” Lacuna-Pangan bilang Presiding Officer, agad nilang naaprubahan ang pagbabalik ng nasabing curfew hours bunsod na rin sa kahilingan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.
Bukod dito, kasama sa naaprubahang ordinansa ang awtomatikong pagbabago ng curfew hours depende sa magiging deklarasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte at ng Inter-Agency Task Force (IATF) hinggil sa magiging klasipikasyon ng lungsod ng Maynila.
Pinaalalahanan naman ng lokal na pamahalaang lungsod ang lahat ng residente sa Maynila na bawal silang lumabas ng kanilang bahay sa oras ng curfew dahil ang lahat ng lalabag sa nasabing kautusan, mahaharap sa kaukulang parusa tulad ng multa at pagkakakulong batay na din sa ipapataw ng korte.
Mahigpit pa din na ipinapatupad ang health protocols tulad ng pagsusuot ng facemask, palagiang paghuhugas ng kamay, at pagpapanatili ng physical distancing. (Jocelyn Domenden)