Advertisers
Nasawi ang 2nd nominee ng Ang Bumbero Partylist nang pagbabarilin ng riding in tandem sa harapan ng kanyang bahay sa Sampaloc, Maynila Lunes ng gabi.
Idineklarang dead on arrival sa UST Hospital ang biktimang si Leninsky Bacud, dating chairman at second nominee ng Ang Bumbero Partylist na tumatakbo sa May 12 polls.
Batay sa sketchy report ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), nabatid na bago 6:00 ng gabi nang maganap ang krimen sa harapan ng bahay ng biktima sa P. Guevarra St., sa Sampaloc, Manila.
Nauna rito, magkasama pa rin sina Bacud at si Jose Antonio Goitia sa isang aktibidad nguni’t naghiwalay din dahil pauwi na ang biktima sa tahanan nito. Laking gulat na lang umano ni Goitia nang mabalitaang tinambangan na ang biktima.
Sinasabing kadarating lamang ni Bacud sa lugar at kababa ng kanyang sasakyan nang pagbabarilin ng mga salarin.
Nabatid na isang pulis sa lugar ang nagawa pang rumesponde sa ambush at nakipagbarilan sa mga salarin nguni’t nakatakas pa rin ang mga ito, lulan ng isang motorsiklo.
Ayon kay PMaj. Philipp Ines, tagapagsalita ng MPD, habang isinusulat ang balitang ito kasalukuyan pa silang nagsasagawa ng hot pursuit operation.
Masusi na rin umano nilang iniimbestigahan ang krimen upang matukoy kung sino ang nasa likod nito, at kung may kinalaman ito sa nalalapit na halalan.(Jocelyn Domenden)