Advertisers

Advertisers

SAYANG ANG OSPITAL SA LUCENA, SAYANG ANG PAG-ASA

0 11

Advertisers

MARAMI ang umasa at naniwala.

Sa bawat pagbungad ng balita tungkol sa itinatayong Lucena General Hospital, nasiklab ang pag-asa ng mga taga-Quezon na magkakaroon sila nang maayos at abot-kayang serbisyong medikal.

Ngunit ngayong 2024, ano ang makikita rito? Isang nakatiwangwang na gusali. Isang proyekto na hindi natapos o nakatiwangwang. Isang pangakong hindi natupad.



Pinuna ng mga mamamayan ang kapabayaan.

Imbes na ayusin daw muna ang Quezon Memorial Center na kulang sa doktor, nurse, kagamitan, at maging kalinisan, sinasabing mas pinili pang simulan noong 2021 ang panibagong ospital na kulang naman sa maayos na plano at legal na batayan.

Aba’y hindi lang daw usapin ng pagsasayang ng pondo ang problema rito. Ito rin ay paglabag daw sa mga batas na nagpoprotekta sa mga lupang sakahan, na ngayon sana’y tumutulong sa produksyon ng pagkain para sa mga taga-Lucena.

Bagama’t nagkaroon ng groundbreaking ceremony at naglaan ng pondo si Sen. Bong Go, hindi maikakaila na sa likod ng mga seremonya, kulang pa rin daw sa legalidad at tamang proseso ang proyekto.

Wala ring naging kongkretong aksyon daw noon sina Cong. Jayjay Suarez at ang kanyang pamilya upang tiyakin na magiging ganap at legal ang nabanggit na ospital.



Ngayon, imbes na ospital, isang abandonadong gusali raw ang naiwan sa mamamayan.

Naku, sayang nga naman ang milyon-milyong pondo. Sayang ang mga pagkakataong dapat sana’y nakapagligtas daw ng buhay. At higit sa lahat, sayang ang pag-asang minsang hinawakan ng mga taga-Quezon.

Masakit isipin na habang ang gusali ng ospital ay natutuyo raw sa init ng araw at nilalanghap ang alikabok ng hangin, libo-libong Quezonians ang nananatiling nangangailangan ng agarang lunas at serbisyong medikal.

Nawa’y magsilbing aral ito sa lahat ng lider — na sa bawat pundasyon ng pagamutang hindi natapos, ay isang buhay na maaaring hindi naisalba.

At siyempre, sa bawat proyektong binitiwan ngunit hindi naman itinuloy ay nariyan ang pag-asa na unti-unting namamatay.

***

Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.