Advertisers
Kulong ang isang call center agent na tumatayong courier sa bentahan ng matataas na uri ng baril sa social media nang madakip sa ginawang entrapment operation sa Caloocan City.
Sa ulat ni Caloocan Police Chief PCol. Paul Jady Doles kay Northern Police District District Director PBGEN. Josefino Ligan, nagsimula ang transaksiyon sa post sa social media ng isang alyas “Michael” na nag-alok ng ibinebentang mataas na uri ng baril.
Kalaunan, natuklasan ng pulisya na isang overseas Filipino worker (OFW) na naka-base sa Macau, China, si alyas Michael at ginagamit bilang courier si alyas “Marvin”, 39, call center agent.
Makaraang makipag-transaksyon ng mga operatiba ng Intelligence Section ng Caloocan police kay alyas Michael, ikinasa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakadakip kay alyas Marvin alas-4 ng hapon bahay nito sa Phase 3, Block 82, Lot 22, Munting Nayon, Brgy. 176, Bagong Silang.
Nakumpiska sa suspek ang isang Cal. 30 M1 Garand US Rifle at anim na magazine na may tig-walong bala at buy bust money .
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act .na may kaugnayan sa Section 6 ng R.A. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012). (Beth Samson)