Advertisers
Kabi kabila na ang patawag ng Commission on Election (COMELEC) sa mga kandidatong tila dapat magpaliwanag sa mga aligasyong ibinabato sa kanila na maski ang kaanib ng administrasyong PBBM na si Marikina 2nd Dist. Congresswomen Teacher Stella Quimbo ay hindi pinaligtas ng tanggapan ni Chairman George Garcia at ayun isang Show Cause Order ang ipinalabas laban dito.
Ang show cause order mga Ka Usapang HAUZ ay pormal na kautusan na nagmula sa isang Otoridad tulad ng Comelec, Korte o Ombudsman para pagpaliwanagin ang inisyuhan ng order tulad na lang ng sinasabing vote buying ni Marikina Mayoralty Candidate Stella Quimbo na agad nagpaliwanag at binasura ang alegasyon.
Pero bakit ganito mga Ka Usapang HAUZ tila andap o bahag ang buntot ng mga taga Comelec na magpalabas ng show cause order laban kay Quezon City 5th district Congressional Aspirant Rose Nono Lin para pagpaliwanagin hinggil sa mga kinasasangkutan nitong mga kaso o baka naman walang nagrereklamo kaya hindi kumikilos ang tanggapan ni Chairman Garcia. Nagtatanong lang po?
Kung hindi alam ni Chairman Garcia ang mga kontrobersiyal na issue nitong si Lin ay nais ng Usapang HAUZ na bigyan ng konting background ang Boss ng Comelec, bigyan natin ng isa, nitong nakalipas na taon June 24,2024 nagsagawa ang mga awtoridad ng isang raid sa 10 hektaryang property ng Lucky South 99 sa Porac Lalawigan ng Pampanga.
Ang nasabing 10 hectares property ng Lucky South 99 ay kinapapalooban ng 46 na gusali hindi basta gusali malalaki, meron ding Villa’s Golf Course at iba pang istraktura, ang nakakabigla rito nasagip ang halos 200 katao na kinabibilangan ng babae at lalake na ang iba ay pawang mga foreigners na ang ibang kababaihan ay ibinubugaw sa online sexual services na sinasabing si Rose Lin ay kabilang sa nagmamay-ari nito.
Ang nakapagtataka pa nito ang Lucky South 99 ay dati ng niraid ng mga awtoridad dahil sa umanoy ilegal na gawain kung kaya’t agad itong pinasara sa kautusan ng DILG taong September 17,2022 subalit himalang muling nakapag operate.
konti pang background Chairman Garcia, Alam po ba ninyo ang ginawang pang-iisnab ni Michael Yang sa pinatawag na imbestigasyon ng House Committee on Dangerous Drugs, ipinamukha ni Yang na tila nakasandal pa rin siya sa pader, sino kaya ang pader na iyan hindi kaya si Rose Lin? nagtatanong lang.
Palagay ng mga Ka Usapang HAUZ walang nakakalimot, kay Yang at sa kanyang mga ka-mafia nakapaturo ang nasamsam na 560 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng humigit kumulang P3.8 billion sa San Jose Malino, Mexico, Pampanga noong Sept. 24, 2023. Nakapasok sa loob ng tea bags ang mga hinihinalang panggawa ng shabu. Idineklara rin nilang animal feeds ang kanilang kargamento nang ipasok nila ito sa Pilipinas.
Nakagawian na nila Yang and associates ang kalakarang ito dahil mula pa noong 2004, naglalakihang shabu laboratories na ang pinapaandar ng mga ito lalo na sa Davao, Cagayan de Oro, General Santos at sa Cavite kung saan P10.4 billion halaga ng panggawa ng shabu ang natimbog ng PDEA noong 2018.
Ang sanggang-dikit nitong si Michael Yang ay si Allan Lim na kilala rin sa pangalang Lin Weixiong. Minsan kilala rin siya bilang Jeffrey Lin. Siya lang naman ang asawa ng tinaguriang Pharmally queen na si Rose Nono Lin.
Kagaya ng pag-amin sa isa sa mga hearing sa senado ng interpreter ni Yang, sinabi nito na magkasabwat sina Yang at Lin sa pagbuo ng maanomalyang kumpanya. Sabi pa nga ni Pharmally President Huang Tzu Yen, si Yang ang nag-pondo sa Pharmally bago ito nakapasok ng ubod ng laking kontrata sa gobyerno noong pandemya.
Tila sinadyang italaga ni Michael Yang ang mag-asawang Lin bilang Corporate Treasurer at Financial Manager ng Pharmally upang matiyak na matatabo ng sindikato nila ang mga nakulimbat na multi-bilyong salapi mula sa Pharmally.
Maliban sa Chinese company na Empire 999 na sinasabing warehouse nila Yang ng iligal na droga, silipin na rin dapat ang Chinese companies na Full Win, Fu De Sheng Group, Xionwei Technology at ang Rose Lin Foundation.
kung iisa isahin pa ng mga Ka Usapang HAUZ ang mga Incorporators and Persons Identified ay baka kulangin ang espasyo, kaya tanungin na lang natin ang Energetic Comelec Chairman Garcia kung ano ba ang panuntunan para sa isang Show Cause Order para pagpaliwanagin ang isang kandidato?
***
Para sa Inyong Puri at Puna maaaring mag email sa cesarbarquilla2014@yahoo.com o tumawag or mag text sa 09352916036