Advertisers

Advertisers

FDA: COVID-19 vaccine dapat parin irehistro kahit donasyon

0 207

Advertisers

PINANININDIGAN ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na dapat pa ring dumaan sa normal na registration process ang mga bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) kahit pa donasyon lamang ang mga ito.
Ito ang sinabi ni Domingo matapos ang pahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na donasyon lamang ang COVID-19 vaccine na itinurok sa ilang miyembro ng Philippine Security Group (PSG).
Ayon kay Domingo, kung siya ang tatanungin ay kailangang rehistrado pa rin ang isang gamot o bakuna bibilhin o ido-donate man ito.
Ipinaliwanag pa ni Domingo na hindi naman nila concern kung binili o donasyon ang mga bakuna kundi ang rehistro nito.
Inamin ni Domingo na ang mga tumanggap ng hindi rehistradong bakuna ay hindi maaaring panagutin ngunit nilinaw na ang pagbibigay ng illegal na bakuna ay illegal.
Tiniyak din naman ni Domingo na umaaksiyon na ang Regulatory Enforcement Unit ng FDA upang alamin ang mga detalye sa naturang bakuna at nakikipag-ugnayan sa Bureau of Customs (BOC) kung paano ito nakapasok sa bansa.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa PSG at sa Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang bahagi ng imbestigasyon.
Hindi naman aniya aabot ang imbestigasyon sa Office of the President lalo na at inako na ng AFP at PSG ang responsibilidad dito.
Matatandaang mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagbunyag na ilang sundalo na ang naturukan ng bakuna kahit pa hindi pa ito aprubado ng FDA para magamit sa bansa. (Andi Garcia)