Advertisers
HINDI iniinda ng viral taho vendor na si Felix Endrina ang ulan, pagod at bigat ng kanyang bentang taho para lamang matustusan ang pang-araw-araw na kailangan ng kaniyang pamilya sa kabila ng pandemya.
Kahit may banta ng COVID-19, nilalakad at binabaybay ng 64-anyos na Endrina ang ilang lugar sa Quezon City; Binondo, Manila; Mall of Asia sa Pasay City, at Makati mula Camarin sa Caloocan para sa kanyang pamilya at mga nag-o-order na customer.
Sa gabi nagbebenta ng taho si Endrina, simula 6:00 hanggang 2:00 ng madaling araw.
Kinukuha ni Endrina ang kaniyang suplay ng taho sa kapitbahay sa umaga para maibenta.
Matatandaang nag-viral ang taho vendor nitong kapaskuhan sa social media nang iprisenta niya ang kanyang flyer sa isang pasahero para marami, aniya, ang kumuha sa kanyang taho sa private parties.
Ayon sa netizen na si Mika Ramos, araw ng kapaskuhan nang makasabay niya at ng kanyang fiancé si Endrina nang ibahagi nito ang flyer, at namangha siya sa pagpupursige ng vendor.
Dagdag pa ng netizen, nagkuwento ang matanda na papunta ito sa event noong araw na iyon, at hinihiling niya na marami ang magbahagi sa Facebook page ng vendor.
Mas malaki, aniya, kasi ang kikitain ni Endrina sa private events kaysa sa paglalako kungsaan inaabot daw siya ng hanggang 8 oras para sa P500 hanggang P600 kita.
Umaabot naman sa P3,500 hanggang P4,000 ang kita niya kapag iniimbitahan siyang magbenta para sa espesyal na mga okasyon.
“Mas maganda pala sa booking kasi may mga tips kasi yun, pag mga galante. Pero kapag naglako — tingi-tingi, baso-baso, sampu-sampu. Pinagtitiyagaan ko, sayang eh. Kaysa ako’y mag-istambay,” aniya, na 34 taon nang taho vendor.
Ang taho, aniya, ang tumutustos sa pangangailangan ng kanyang 69-anyos na misis na may iniindang ulcer, 10 anak, at 2 apo. Ilan sa mga anak niya ay nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Hiling niya ngayong Bagong Taon na marami ang tumangkilik sa kaniyang benta, at maimbitahan sa private events.