Advertisers
HINDI maitatanggi na sa gitna ng patuloy na hamon ng kahirapan, mataas na presyo ng bilihin, at panawagan ng mas abot-kayang pagkain sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino, muling ipinamalas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang malasakit at determinasyon.
Ito’y sa pamamagitan ng paglulunsad ng pilot rollout ng PhP20-per-kilo rice initiative, isang pangarap na unti-unti nang nagkakabuhay.
Inanunsiyo kasi ni PBBM sa isang makasaysayang pagpupulong sa Cebu Provincial Capitol, kasama ang 12 gobernador mula sa Visayas, ang pagsisimula ng programang ito sa rehiyon.
Kung hindi ako nagkakamali, magsisilbi itong testbed para sa mas malawak na implementasyon sa buong bansa.
Sa ilalim ng masusing pamumuno at malinaw na direktiba ni Pangulong Marcos, layon ng programang ito na tugunan ang batayang pangangailangan ng taumbayan o ang pagkakaroon ng murang bigas sa gitna ng kumakaway na krisis sa presyo ng pagkain.
Malinaw na hindi lamang ito pangako ngayon. Sa tulong ng Department of Agriculture (DA) sa pamumuno ni Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., target na mabigyan ang bawat pamilyang benepisyaryo ng hanggang 40 kilong bigas kada buwan.
Ito’y isang kongkretong hakbang na magpapagaan sa pasanin ng karaniwang Pilipino. Salamin ito ng isang pamahalaang kumikilos at hindi lamang nakikinig kundi tumutugon.
Nakikita kong hindi pansamantala lamang ang programang ito. Sa tapat na hangaring gawing sustainable at pangmatagalan, inaasahang tatagal ang inisyatibo hanggang 2028 kung saan saklaw ang buong termino ni Pangulong Marcos.
Nagpapakita ang malinaw na direksyong ito ng matibay na pananaw at malasakit ng Chief Executive na hindi limitado sa panandaliang ginhawa, kundi isang matatag na pundasyon ng seguridad sa pagkain.
Bukod pa rito, ang inisyatibong ito ay may layuning bawasan ang pagsisikip sa mga bodega ng National Food Authority (NFA na kasalukuyang napupuno na dahil sa pagdami ng suplay ng palay at bigas.
Aba’y sa ganitong paraan, matutulungan din ang ating mga lokal na magsasaka na maibenta ang kanilang ani sa tamang halaga, habang napapakinabangan ng masa ang ani ng bayan.
Sa isang lider na may tapang, galing, at malasakit gaya ni Pangulong Marcos, hindi imposible ang dating mga pangarap.
Sinasabi nga na sa bawat kilong bigas na PhP20, kaakibat ang mensaheng hindi nakakalimot ang pamahalaan sa tunay na kalagayan ng mahihirap.
Isa itong patunay na ang “Bagong Pilipinas” ay hindi lamang slogan, kundi isang aktibong adhikain na isinasabuhay sa bawat hakbang ng administrasyong Marcos.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.