Advertisers
NAMATAAN ng Philippine Navy ang dalawang barkong pandigma ng China malapit sa mga baybayin ng Northern Luzon.
Pahayag ng Philippine Navy, dakong 9:36 ng umaga noong Martes, nakita sa pamamagitan ng Intelligence, Surveillance, and Reconnaissance capabilities ang aircraft carrier Shandong (CV-17) isa sa mga pangunahing barko ng Chinese Navy na naglalayag lamang ng 2.23 nautical miles mula sa Babuyan Island na pasok sa loob ng ating archipelagic waters.
Samantala, bandang 11:47 naman ng umaga, isa na namang barko ng China ang namataan ng Philippine Navy ang Type 815A electronic surveillance ship (AGI-797) sa karagatang 33.11 nautical miles mula sa Dalupiri Island, malapit sa Ilocos Norte.
Ayon kay Philippine Navy Capt. JP Alcos, ito ang kauna-unahang pagkakataon na naka-monitor sila ng aircraft carrier Shandong sa naturang lugar.
Nag-deploy na ng assets ang Naval Forces Northern Luzon para i-monitor ang mga nasabing vessel.
Sinabi pa ng opisyal na ang bahaging ito ng karagatan, partikular sa baybayin ng Babuyan, ay kinikilala bilang isang maritime corridor kung saan inaasahan ang pagdaan ng iba’t ibang foreign vessels. (Mark Obleada)