Advertisers
NAGLABAS ng bagong kautusan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga opisyal ng gobyerno kaugnay sa pagbyahe ng mga ito sa Taiwan.
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 82, mahigpit na pinagbabawalan ng pamahalaan ang pagbisita at pakikipag-ugnayan ng ilang matataas na opisyal ng Pilipinas sa Taiwan.
Kasama dito ang presidente, bise presidente, at mga kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of National Defense (DND).
Para sa mga opisyal na bibiyaheng Taiwan para sa economic, trade, at investment purposes, kailangan nilang gamitin ang kanilang “ordinary passport” nang hindi ginagamit ang kanilang titulo bilang opisyal, at dapat magsumite ng report kaugnay ng biyahe.
Dapat ding ipaalam sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan ang kanilang pagbiyahe at mahigpit na makipag-ugnayan sa tanggapan habang naroon.
Pinapayagan naman ang mga tanggapan o opisyal ng gobyerno ng Pilipinas na tumanggap ng delegasyon mula Taiwan, basta’t idaan sa MECO, at kung ito ay para sa ekonomiya, kalakalan, at investment; at dapat magsumite ng report sa MECO at DFA kaugnay ng pagbisita.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang paglagda ng anumang kasunduan, memoranda of understanding, exchange of notes, at iba pang kahalintulad na dokumento sa pagitan ng mga opisyal ng Pilipinas at Taiwan nang walang clearance mula sa DFA at awtoridad mula sa pangulo.
Layon ng kautusan na ayusin ang mga sistema para masulit pa rin ng gobyerno ang mga oportunidad sa pag-unlad at pagpapalawig ng priority areas ng bansa sa investment.
Ang memorandum ay alinsunod sa Executive Order No. 313 na pinirmahan noong 1987, na kumikilala sa “One-China policy” o iisang Chinese government na nakasasakop sa ilang teritoryo, kabilang ang Taiwan.
Una nang sinabi ng Malacañang na walang dapat ikapangamba ng publiko matapos alertuhin ng AFP sa paghahanda ang militar kaugnay ng posibleng pananakop ng China sa Taiwan.