Advertisers
MAAGANG nagbigay ng paalala o panawagan ang Palasyo ng Malakanyang para sa mga botante sa nakatakdang Eleksyon 2025. Ito ay sa Mayo 12.
Say ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro: “Gampanan ninyo po ang inyong tungkulin bilang isang Pilipino. Bumoto po kayo nang nararapat. Bumoto po mula sa puso. ‘Wag bumoto nang dahil sa bulong o dahil kayo’y nabayaran, kundi iboto ninyo po ang mga taong nararapat, ‘yung maasahan natin, mga lider na hindi ibebenta ang bansa kahit sa anumang paraan at mga lider na makabayan.”
Tumpak si Atty Castro sa kanyang tinuran. ‘Wag basta bumoto dahil sa nabigyan ka ng kuwarta, kundi bumoto ayon sa tamang qualifications ng kandidato para sa tinatakbong puwesto tulad ng mayor, gobernador, kongresista at senador.
Sa pagpili ng mayor at gobernador, ang kandidato ay dapat mapagkumbaba, may pusong makatao at may vision sa kanyang bayan o lalawigan.
At sa kongresista at senador naman, piliin ang kandidatong may talino at may pusong masa. Dahil ang trabaho nito ay ang gumawa ng mga batas at mag-imbestiga ng mga katiwalian sa gobyerno pati sa pribado. Hindi puwede rito ang mga payaso o mga mahusay lang sa pagpapatawa. Ang trabahong ito ay seryoso. Kaya seryosohin din ang pagboto para sa mga panday ng batas. Okey?
***
Ibinasura nina Congressman Jefferson “Jay” Khonghun ng 1st District ng Zambales at Cong. Paol Ortega ng 1st District ng La Union ang ipinangangalandakan ni Vice President Sara Duterte-Carpio na “most confident” ito na ibabasura ng impeachment court ang Articles of impeachment na inihain laban dito tungkol sa diumano’y paglustay ng milyun-milyong halaha ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd).
Nakasaad din sa Articles of impeachment laban kay Sara ang mga pagsisinungaling sa mga pagdinig ng Kongreso at pamemeke ng government records upang maikuble ang mga kuwestiyunableng paggastos sa confidential funds ng dalawang ahensiya.
Say ni Ortega: “The OVP is not an intelligence agency. Using intelligence funds was not just irregular, it was illegal.” Tumpak!
Diin pa ni Ortega, ang mga naglulutangang ebidensiya tungkol sa mga pekeng pangalan na ginamit ng kanilang grupo sa pagtatangkang itago ang anomalya sa paggamit ng confidential funds. “We now have information that points to non-existent or suspicious recipients of public funds. That’s not just a violation. It’s a deception.”
Ang impeachment trial ng Senate Impeachment Court laban kay Sara ay sisimulan sa Hulyo 31.
Kaya maman malakas ang loob ng Sara na sabihing mababasura lang ang mga inihaing reklamo laban sa kanya ay dahil nga ang impeachment ay isang numbers game.
Naniniwala kasi si Sara na sa eleksyon sa Mayo 12 ay marami sa kanilang mga kaalyadong kandidatong senador ang mananalo tulad nina Camille Villar, Imee Marcos, Rodante Marcoleta, Bato dela Rosa, Bong Go at ang namamangka sa dalawang ilog na Tulfo brothers (Erwin at Ben).
Kailangan ni Sara ng 13 boto sa Senado para mabasura ang impeachment case laban sa kanya.
Pag na-impeach si Sara, hindi na siya makakatakbo sa 2028 presidential, mawawalan na siya ng karapatan na makapasok pa sa gobyerno. Kaya gagawin niya ang lahat ngayon para mabasura ang mga inihaing kaso laban sa kanya.
Well, ang lahat ng ito ay nakasalalay sa May 12 election. Mismo!