Advertisers

Advertisers

Julia Barretto

0 4

Advertisers

Ni ROMMEL PLACENTE

NAGPUNTA kami sa huling gabi ng wake ni Nora Aunor noong Lunes sa Heritage Park sa Taguig City. Dumating doon ang dating pangulo ng bansa, at dati ring aktor na si Joseph Estrada.

Akay-akay si Erap ng kanyang mga anak na sina Sen. Jinggoy Estrada at Jude Estrada nang pumasok sa chapel, kung saan nakaburol ang kanyang kaibigan at dating partner.



Medyo hirap nang maglakad si Erap pero mukhang matikas pa rin ang dating nito. Magiliw din siyang ngumiti sa mga taong naabutan niya sa lamay.

At pinagbigyan niya ang lahat ng gustong magpa-picture sa kanya.

Bago dumalaw si dating pangulong Erap sa wake ni Nora, naglabas na siya ng mensahe sa pagpanaw ng tinaguriang Superstar ng showbiz.

Aniya, ang pagkamatay ni Ate Guy ay hindi lamang kawalan sa entertainment industry kundi sa buong sambayanang Filipino.

“Malalim ang pinagsamahan namin kaya’t mabigat tanggapin ang balita ng kanyang pagpanaw.



“Isinabuhay niya ang pag-asa sa mga taong nagsusumikap abutin ang kanilang pangarap gamit ang puhunan na angking galing sa pag-awit at husay sa pag-arte sa harap ng kamera,” pahayag ng dating presidente.

“Mananatiling buhay sa alaala ng lahat ang kanyang mga naging ambag sa industriya ng pelikulang Filipino.

“Ang kanyang ningning ay hindi kailanman maglalaho,” dagdag pang pahayag ni Erap.

Bukod kay Erap, spotted din namin doon ang pangulo ng bansa na si Bongbong Marcos at kanyang kapatid na si Sen. Aimee Marcos.

Samantala, naging madamdamin at punumpuno ng emosyon ang naganap na State Funeral honors para sa Superstar at National Artist na si Nora Aunor noong Martes ng umaga.

Nangyari ito sa Metropolitan Theater sa Maynila, na dinaluhan ng pamilya, mga kaibigan at mga kapwa National Artist ni Nora.

Nagsimula ang programa sa pamamagitan ng Arrival Honors dakong 8:30 ng umaga. Pagkatapos ng pagkanta ng National Anthem at Invocation ay sumunod naman ang speech ni CCP Vice Chair Carissa Coscolluella.

Pagkatapos nito ay isa-isang nag-alay ng bulaklak ang kapwa National Artists ni Ate Guy.

Nagbigay naman ng tribute ang National Artist ding si Ricky Lee kung saan binalikan niya ang unang pagkikita nila ni ate Guy at ang mga hindi niya malilimutang alaala kasama ang namayapang kaibigan.

Nag-perform sa event ang singer na si Aicelle Santos at kinanta niya ang “Walang Himala” mula sa pelikulang “Isang Himala” kasama ang Philippine Madrigal Singers.

Bukod dito, kinanta rin ng Philippine Madrigal Singers ang isa sa mga signature songs ni Nora na “Handog”.

Nag-perform din doon sina Jed Madela at Angeline Quinto para kantahin ang “Superstar Ng Buhay Ko” na naging theme song ng mga Noranians para sa kanilang idolo.

Nagbigay din ng kanyang pa-tribute ang award-winning filmmaker na si Joel Lamangan sa yumaong showbiz icon.

Napakabait at sobrang generous daw talaga ni ate Guy pero tao lang din daw ang aktres na nagkakamali at may mga pagkukulang din. Tulad ng lahat, hindi rin daw perfect ang Superstar.

Sumunod na nagbigay ng kanyang mensahe para kay Nora Aunor ang dating Presidente ng ABS-CBN at aktres na si Charo Santos Concio. Sabi ni Charo, hindi lang basta star ang namayapang aktres – siya ang ating Superstar.

Nagbigay din ng madamdamin at tagos sa pusong mensahe ng anak ni Nora na si Ian de Leon. Kasama niyang umakyat sa stage ang iba pang mga kapatid

Inisa-isa ni Ian ang mga katangian ng kanilang ina na siguradong mami-miss ng lahat ng nagmamahal sa nag-iisang Superstar at sa huli isinigaw niya ang katagang, “Mabuhay si Nora Aunor!”