Advertisers

Advertisers

Sa banta ng bagong COVID-19 variant: Matuto na tayo sa naging karanasan — Go

0 287

Advertisers

INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na dapat matuto sa naging karanasan sa mahigit siyam na buwan ang Filipino para maiwasan ang banta ng bagong uri o mas nakahahawang COVID-19.

“Huwag nating hayaang pumasok dito at kumalat sa ating bansa. Ulitin ko, lessons learned na tayo dito, sa nakaraang siyam na buwan,” sabi ni Go matapos pangunahan ang pamimigay ng ayuda sa biktima ng Tropical Depression Vicky sa Bunawan, Agusan del Sur.

“Ibig kong sabihin, wala ba tayong natutunan sa siyam na buwan na ‘yan? Marami na po tayong natutunan and I’m sure ginagawa po ng ating gobyerno, ng IATF, ang lahat,” anang senador.



Inirekomenda ni Go sa gobyerno ang pagpapatupad ng estriktong border control at travel restrictions sa mga seaports, partikular sa malapit sa Sabah state sa Malaysia na may iniulat nang kaso ng bagong COVID-19 variant.

“Mas higpitan natin ang ating mga border. Hindi lang sa airport, pati ang seaport natin dahil nabalita na sa Sabah ay may findings na mayro’n nang new strain na nadiskubre. Dapat estrikto, pinakaestrikto na pwede. Huwag tayong magkumpiyansa,” ani Go.

Sinuspinde na ng Pilipinas ang mga biyahe mula sa UK at sa may 20 pang bansa o teritoryo na may kumpirmadong kaso na.

“Una rito ‘yung U.K. po, ‘no, in-extend na from December 31, in-extend na po ng another 2 weeks ‘yung pagba-ban,” sabi ni Go.

Ngunit sinabi ng senador na ang mga overseas Filipino workers na covered ng travel ban ay dapat na iprayoridad at suportahan, lalo ang mga nawalan ng trabaho at gusto nang umuwi sa bansa.



“’Yung mga OFWs ay papayagang umuwi pero sumunod lang dapat sa health protocols tulad ng mandatory quarantine measures. May quarantine po sila doon sa (New) Clark (City) para masiguradong malinis at hindi po sila apektado nitong new strain ng COVID-19 at hindi po makahawa dito sa ating bansa,” ayon sa senador.

“Dapat higpitan talaga natin. ‘Yung pinakamahigpit na pwedeng gawin ng gobyerno… huwag nating hayaang merong magkakaso rito at doon pa tayo magkandarapa,” anang mambabatas. (PFT Team)