Advertisers
HALATANG nagbago ang isip ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasapubliko ng mga pangalan ng mga mambabatas na idinadawit daw sa korapsiyon sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Dati kasi, sinasabi ng Presidente na hindi niya saklaw ang mga ito.
Nagulat nga lang ang marami nang ilantad niya ang laman daw ng listahan na ibinase sa imbestigasyon ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
Bago niya ginawa iyon, bumusina muna ang Pangulong Duterte at nilinaw na wala pang matibay na ebidensya laban sa mga kongresista.
Kabilang sa mga binanggit ng Presidente sina Occidental Mindoro Rep. Josephine Ramirez-Sato, Quezon City Rep. Alfred Vargas, Misamis Occidental Rep. Henry Oaminal, Isabela Rep. Alyssa Sheena Tan, Northern Samar Rep. Paul Daza, Quezon Rep. Angelina Tan, Bataan Rep. Geraldine Roman, at ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap.
Tinukoy din si dating solon na si Teddy Baguilat Jr. na tumatanggap daw ng “tongpats” sa mga kontraktor ng ilang construction projects.
Pinaratangan din si Sato na sangkot sa ghost projects sa kanilang lugar, bagay na kanyang itinanggi.
Naghamon pa ito na busisiin ang mga dati at kasalukuyang proyekto sa kanilang lalawigan.
Maaaring may kinalaman daw ito sa pulitika lalo pa’t kaalyado rin ni PACC Commissioner Greco Belgica ang isang pulitiko na posibleng makalaban ni Sato sa 2022 local elections?
Para naman sa mga inaakusahang solons, libelous information daw ang nakalap ng PACC.
Maging ang kaalyado ng Pangulo na si Yap ay hindi nakalusot nang pinangalanan din at isiniwalat na nakialam pa raw ito sa imbestigasyon ng PACC kung saan inihirit daw nito na alisin sa listahan ang pangalan ng isang district engineer.
Kapwa itinanggi ng mga mambabatas ang mga alegasyon laban sa kanila, kasabay ng pahayag na malinis ang kanilang konsensiya sa walang basehang bintang at handa rin daw silang harapin ang anumang imbestigasyon ukol dito.
Samantala, kaduda-duda naman daw ang timing ng paglabas ng report ng PACC dahil nataon pa raw ito ngayong umiinit ang graft and corruption issue kay Belgica na isinampa ng mga dating empleyado ng Duty Free Philippines (DFP) sa Office of the Ombudsman (OMB).
Baka panakip-butas lang daw ito ni Belgica para malihis ang isyu laban sa kanya?
Sabagay, inamin na rin mismo ng Presidente na wala pang matibay na ebidensya ang PACC laban sa mga kongresista.
Pero bakit nga kaya ibinigay ng komisyon sa Pangulo ang kanilang report?
Kung hindi ako nagkakamali, noong 2018 ay naghain ng plunder at administrative cases sa PACC ang mga empleyado ng DFP laban sa mga opisyal ng kompanya dahil daw sa smuggling at labor-only contracting policy.
Laking gulat na lang daw nila nang magpalabas ng mababang uri ng kaso ang tanggapan ni Belgica.
Hanggang sa mapansin daw nila na pawang mga pagkain at gamit na ipinadaan sa DFP mula sa isang supermarket ang ipinamigay ni Belgica sa isinagawa nitong relief operation?
Well, bukas ang kolum na ito para panig ng mga mambabatas at maging kay Belgica.
Maraming salamat po at Happy New Year sa ating lahat!