Advertisers
BATID ni Tsis na hindi siya tatangkilikin ng pinagsamang pwersang Dilawan at Pinklawan dahil hindi nila nalilimutan kung paano sinulsulan si Grace Poe upang tumakbo bilang presidente noong 2016 at humati sa boto nila ni Mar Roxas. Dahil kay Tsis, nanaig si Gongdi at dito nagsimula ang malagim na kahapon ng bansa sa ilalim ni Gongdi. Si Tsis ang sinisi na dahilan sa hindi katanggap-tanggap na panguluhan ni Gongdi.
Ngayon, nandito na naman si Tsis. Nais niya makuha ang masyadong pinalobo na pinagsamang lakas ng sindikatong Inferior Davao at pangkat ni BBM. Hindi totoo na aabot sa 31 milyon ang vote base ng pinaghalong grupo. May katwiran na ilagay iyon sa 20 milyon lang. May katwiran na mayroon silang tig-10 milyon ang sindikatong Inferior Davao at grupong BBM.
Hindi makukuha ni Tsis ang suporta ng mga Dilawan at Pinklawan. Kahit itaga sa ulong wala laman ni Bato. Isinumpa si Tsis sa naging papel bilang Rasputin ni Grace Poe, o tagabulong at tagasulsol. Dahil sa sulsol ni Tsis, pumalaot si Grace sa paniwala na may panalo siya noong 2016. Batid ng bansa na hinati niya ang boto ng demokratikong puwersa.
May malaking pananagutan si Tsis kung bakit may Gongdi sa ating bansa.
Ito ang dahilan kung bakit niligawan ni Tsis ang magkahiwalay na kampo ni BBM at Misfit Sara na sa tingin niya ay sapat upang ipanalo siya sa 2028. Ito ang dahilan upang mamamangka siya sa dalawang ilog bilang paghahanda sa halalan pampanguluhan sa 2028.
Kung makukuha niya ang suporta ng sindikatong Inferior Davao, mayroon kaagad siyang mula 10 hanggang 12 milyon boto sa 2028. Ito rin ang daan upang makuha niya ang suporta ng Iglesia ni Cristo at KoJC ni Apollo Quiboloy na may dalawang milyon boto. Dito rin nakasalalay ang suporta ng China na nakahanda gumastos para sa kandidatura niya.
Ngunit hindi siya sigurado kung makuha niya ang suporta ng paksyon ni Bong Go at Bato dela Rosa mula sindikatong Inferior Davao. May sarili itong agenda at lihis ito sa pakay ni Misfit Sara. Ito ang paksyon na maaaring pumatay sa ambisyon ni Tsis sa panguluhan.
Kung makukuha niya ang suporta ni BBM, baka sakaling makasungkit siya kahit limang milyon boto. Ngunit malayong makuha niya ang suporta ni BBM na may sariling kandidato. Ito ang dahilan kung bakit hindi niya inaaway si BBM at hanggang maaari ay palabasin na kampi siya kay BBM. Makikihati lang siya sa boto ng pangkat ni ng BBM.
Makakuha kaya siya ng boto sa grupong Kaliwa? Iyan ang malaking tanong kasi hindi kilala si Tsis bilang kaibigan ng grupong Kaliwa. Natuto ang Kaliwa sa karanasan kay Gongdi. Ang akala ay kakampi ngunit bumaligtad sa gitna ng termino at pinagpapatay sila.
Alam ng Kaliwa wala silang maaasahan kay Tsis bilang susunod na pangulo. Hindi si Tsis ang magliligtas sa bayan mula sa impluwensiya ni Gongdi. Hindi si Tsis ang pangulo na may hangarin na tapusin ang suliranin sa insurhensya.
***
PAANO ang Alyansang Itim sa Mayo 12? Hindi nila kasama si Bong Go at ibang kandidato ng Inferior Davao para sa Senado. Hindi bubuhos ng salapi si Bong Go para kay Manang Imee, sa aming pakiwari. Hindi susuportahan ni Bong Go ang sinuman dadalhin ni Misfit Sara. Tanging ang sarili lang ang dadalhin ni Bong Go. Maglalayag siyang mag-isa at hindi siya mapipigilan ninuman upang bumiyahe mag-isa.
Gayunpaman, kahit manguna siya sa lahat ng survey, hindi nakakasiguro si Bong Go dahil matunog ang balita mula The Hague na may inihahanda arrest warrant sa kanya ang International Criminal Court (ICC). Hindi namin alam kung may paghahanda si Bong Go sa kanyang kapalaran kung bababa ang arrest warrant mula ICC. Hindi siya magiging senador kundi preso.
Kriminal si Bong Go, ganyan ang tingin namin sa kanya. Wala siyang dangal, integridad, at katibayan ng pagtingin sa kapuwa. Hindi siya karapat-dapat na muling ibalik sa Senado. Wala siyang silbi para sa bayan. Nais lang niya na iligtas ang sarili mula sa pananagutan. Si Bong Go ang itinuturing bagman ni Gongdi na nagbigay ng gantimpala at pabuya sa mga mamamatay tao ng kumitil ng libu-libong tao na may kaugnayan sa giyera kontra droga.
***
APAT lang ang aming sinusuportahan na ihalal bilang party list group – Magdalo, Akbayan, Mamamayan Para sa Liberal (ML), at ang sari-saring grupo na kabilang sa Makabayan Bloc (kasama diyan ang Bayan Muna, Gabriela, Kabataan, KMU, KMP, ACT-Teachers at ano-ano pa). Hindi kasama iyong Bunyag, o ang grupo ng rakista na ang trabaho ay humingi ng kontribusyon sa mga OFW.
Ihalal ang anuman sa grupong iyan at hindi masasayang ang inyong boto. Kung ais niyo na ay grupo na kakatawan sa OFW, isama ninyo ang OFW Party List. Huwag iyong iba na nagkakagulo lang. Ihalal ang grupo ni Rep. Marissa del Mar Magsino. Matinong grupo ito at nagsisilbi sa mga OFW. May pakinabang, sa maikli.