Advertisers
Ipinasisibak ng Commission on Elections (Comelec) sa Philippine National Police (PNP) ang tatlong mataas na opisyal nito sa Bangsamoro Autonomous region of Muslim Mindanao (BARMM) .
Kabilang rito ang Regional Director na si PBGen Romeo Macapaz, PCol Eleuterio Ricardo Jr, Hepe ng Maguindanao Del Norte at PCol Ryan Bobby Paloma, Hepe ng Maguindanao Del Sur.
Hiniling ang pagpapatanggal sa tatlong mataas na opisyal ni Comm. Aimee Ferolino, Chairperson ng Gun Ban and Security Concerns Committee.
Ito ay ipinaabot kay PNP Chief General Rommel Marbil at inaprubahan ng Comelec En Banc.
Ayon sa Comelec, nag-ugat ang kahilingan ng komisyon sa kabiguan at patuloy na kawalang aksyon ng naturang mga opisyal sa hiling ng mga field personnel ng Comelec para sa security detail.
Kabilang dito ang hiling ni Datu Odin Sinsuat Election Officer Maceda Abo na napatay sa pananambang Kasama ang kanyang mister
Ilang beses ding humiling ang Provincial Election Supervisors ng Maguindanao pero walang aksyong ginawa ang nasabing mga PNP official. (Jocelyn Domenden)