Advertisers
PATULOY pa ring binabalot ng takot ang ating ‘Fil-Chinese community’ dahil sa brutal na pagpatay kay Anson Que, may-ari ng Elison Steel, kahit nagbayad na ng ransom money. Nakita ang kanyang bangkay at ng kanyang driver sa Rodriguez, Rizal, noong Abril 9.
Isa tayo sa unang tumalakay sa kasong ito sa ating nakaraang kolum bagaman hindi pa natin ibinulgar ang kanyang pangalan dahil sensitibo at delikado pa ang sitwasyon.
Nakidnap si Que matapos ang isang ‘meeting’ sa kilalang ‘Chinese Seafood Restaurant’ sa Macapagal Boulevard noong Marso 29 at bagaman nagbayad ng ‘ransom’ ang pamilya ay pinatay pa rin.
Naniniwala tayo sa sinabi ni ex-FFCCII president, Cecilio Pedro, na isang ‘hate crime’ ang nangyari dahil dumanas pa ng ‘torture’ ang biktima bago siya pinatay.
Kumbaga, “pinagkaperahan” pa ng ‘mastermind’ si Anson at wala talagang balak na pauwiin pa ng buhay ang mga biktima.
Bunga nito, malaki ang posibilidad na “kilala” ni Anson ang kanyang mga kidnapper. At dahil magkakilala sila, walang balak ang mastermind na buhayin pa siya—mahirap na nga naman dahil “mareresbakan” pa siya o sila.
At sa “estilo” ng pagpatay—tinortyur, iginapos, binalot ng duct tape ang mukha ng mga biktima at isinilid sa sako bago “itnambak” sa isang madamong lugar—hindi malayong sangkot din ang mga ‘police scalawags.’
Malinaw din ang “mensahe” ng mga kidnapper: INUTIL ang gobyerno ngayon sa pangangalaga sa ating seguridad!
Ayon mismo sa datos ng PNP, 13 ‘KFR cases’ ang naitala sa pagpasok pa lang ng 2025; 32 kaso noong 2024 at 26 na kaso noong 2023—lahat ng ito sa ilalim ng administrasyon ni PBBM, hays!
At ang “unang solusyon” na ginawa ng PNP? “Sinibak” at pinalitan ang lider ng PNP-Anti Kidnapping Group. Susme! “Solusyon” ba ‘yan?!
Sadyang nakakatakot ang ating sitwasyon kung ang alam atupagin ng mga nasa posisyon ay kung “paano” nila “gigipitin” ang mga kalaban nila sa pulitika!