Advertisers
Ginagamit umano ni Mayor Abby Binay bilang isyung politikal ang paglilipat ng 14 paaralan mula sa Makati City tungo sa Taguig City kahit nalutas na ang sigalot sa pamamagitan ng nilagdaang nitong memorandum of agreement (MOA) sa Department of Education (DepEd).
Bukod pa dito ang desisyon ng Supreme Court na naglilipat sa 10 EMBO Barangay na kinatatayuan ng 14 na paaralan, sa hurisdiksiyon ng Taguig City mula sa Makati City.
Napansin sa kampanya ni Mayor Binay sa CEMBO kamakailan, inungkat nito ang isyu sa14 public schools na hindi nito ipinasara ang paaralan dahil “nakakaawa” ang residente na nag-aaral dito.
Aniya, sa entablado bago ipakilala si Rep. Pammy Zamora na may dala umanong “limpak-limpak na pera,” na sakaling manalo sa Senado, kanyang dadalhin ang isyu sa Mataas na Kapulungan upang ilaban ang Makati City.
Partikular na tinutukoy ni Binay ang 14 na pampublikong paaralan na inilipat sa Taguig City sa pamamagitan ng desisyon ng Supreme Court at memorandum of agreement (MOA) na kanyang mismong nilagdaan upang maging maayos at mapayapa ang transisyon.
Ngunit, kamakailan, inihayag ng Department of Education na isinailalim na sa hurisdikyon ng Taguig City at Pateros ang 14 na public school sa 10 EMBO areas na nasalang sa sigalot sa pagitan ng Makati at naturang lungsod.
Matatandaan na inihayag ni DepEd spokesperson Michael Poa na sumailalim sa “orderly transition” ang apektadong paaralan base sa MOA na nilagdaan ni Mayor Abby Binay, Taguig City Mayor Lani Cayetano at DepEd.
Kabilang sa 14 pampublikong paaralan na nasa hurisdiksiyon ng Taguig-Pateros ang
Makati Science High School, Fort Bonifacio High School, Benigno “Ninoy” S. Aquino High School, Tibagan High School, Pitogo High School, Comembo Elementary School, Rizal Elementary School, Pembo Elementary School, Fort Bonifacio Elementary School, Pitogo Elementary School, Cembo Elementary School, East Rembo Elementary School, West Rembo Elementary School at South Cembo Elementary School.
“A memorandum of agreement was signed by Vice President and Education Secretary Sara Duterte, Taguig City Mayor Lani Cayetano and Makati City Mayor Abby Binay on the full transition of the schools’ operations from Makati to Taguig,” ayon kay Poa.
“While there are still specific issues and appeals that shall be left to the final determination of the proper authorities, the transition has been finally concluded through the collective resolve of the parties in ensuring the unhampered delivery of basic education services,” dagdag ng statement ng DepEd.
Samantala, ipinahayag naman ng Department of Health na kanilang aayusin ang gusot sa pamamahala ng health center na dating sakop ng Makati City na inilipat sa Taguig.
Naunang ipinasara ni Binay ang health centers at lying-in clinics sa 10 EMBO.
Isinagawa ang pagsasara ng Makati City alinsunod sa kautusan ni Mayor Abby Binay matapos ilipat ng Supreme Court sa Taguig City ang jurisdiction sa naturang klinika.
Kahit isinara ni Binay ang health center sa EMBO areas, binuksan naman ng Taguig ang telemedicine facility nito at tinukoy ang ilang health center ng lungsod bilang catchment centers para sa pasyente ng EMBO barangay na nangangailangan ng agarang tulong-medikal.