Advertisers

Advertisers

Central Luzon, solid ang suporta kay Abalos bilang senador

0 6

Advertisers

Solid ang nakuhang suporta ni dating DILG Secretary at senatorial candidate Atty. Benhur Abalos Jr. sa mga local chief executives sa buong Central Luzon.

Ang Central Luzon ay may higit 7.7 milyong rehistradong botante at nananatiling mahalagang balwarte para sa sinumang nagnanais ng pambansang posisyon.

Sa isang pagtitipon ng mga pinuno mula sa Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales, sabay-sabay nilang ipinahayag ang kanilang suporta para sa kandidatura ni Abalos.



Kabilang sa mga tuminding para kay Abalos si Zambales Governor Hermogenes Ebdane: “Kung mayroon mang isang nararapat dapat na kandidato na maupo bilang senador, siya yan,” ani Ebdane. “Abogado, propesor, naging Secretary ng DILG, naging Chairman ng MMDA—wala ka nang maipipintas sa kanya.”

Sinundan ito ni Aurora Governor Reynante Tolentino, na nanawagan ng pagkakaisa sa buong rehiyon para kay Abalos. “Sa Region 3, suportahan po natin ang ating Senador Abalos,” aniya.

Mula Tarlac, muling tiniyak ni Governor Susan Yap ang kanilang suporta. “Senator Abalos has always been a friend of Tarlac. Tarlac promises to deliver the votes for you. Hindi lang po sa Tarlac, sana po sa buong Region 3 magkaisa po tayo para kay Sen. Abalos, kasangga ng mga local government units,” ani Yap.

Ipinahayag din ni Bulacan Congressman Boy Cruz, sa ngalan ng lahat ng alkalde ng lalawigan, ang kanilang buong suporta. “Nakasuporta po ang lahat ng mayor ng Bulacan para po sa inyo. Pipilitin po namin ang lahat ng aming magagawa para kayo po ay maging Number 1,” wika niya.

Kinatawan naman ni Vice Governor Emmanuel Umali si Governor Oyie Umali ng Nueva Ecija, at ibinahagi ang koneksyon ni Abalos sa kanilang lalawigan. “Asahan n’yo po Senator, alam po namin ang lalawigan ng Nueva Ecija ay inyong probinsiya din po dahil po sa inyong manugang du’n sa bayan ng Aliaga.”



Nagpaabot din ng buong suporta ang mga lokal na opisyal ng Bataan at Pampanga—mula gobernador hanggang mga alkalde—na nangakong itutulak ang kampanya ni Abalos sa kani-kanilang nasasakupan.

Lubos na nagpasalamat si Abalos sa pagtanggap at suporta ng rehiyon. “Talagang taus-puso po akong nagpapasalamat sa inyo. Si General Ebdane, kasama ko po siya dati noon. He’s always helped me through time. Governor Susan, maraming salamat sa iyo. Sa grupo ng Tarlac, hindi ko kayo makakalimutan. Governor Tolentino, maraming salamat for the whole group for your kind endorsement.”

Dagdag pa niya, taos-puso rin ang pasasalamat niya sa mga lalawigan ng Bulacan, Bataan, Pampanga, Aurora, at Nueva Ecija.

Muling iginiit ni Abalos ang kanyang mga isinusulong na panukala para sa kapakanan hindi lamang ng Gitnang Luzon kundi ng buong bansa. Kabilang dito ang pagtanggal ng VAT sa kuryente at buwis sa langis para sa power generation, pagpapalawak ng programa para sa mga magsasaka at kanilang pamilya, at pagbibigay ng gratuity pay at insentibo para sa mga job order at contract of service workers sa gobyerno.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pag-amyenda sa Rice Tariffication Law upang mapalakas ang National Food Authority at masigurong patas ang presyo para sa mga magsasaka at mamimili. Tutol rin siya sa desisyon ng Korte Suprema na nagpapahintulot sa commercial fishing sa loob ng 15-kilometrong municipal waters, na aniya’y banta sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda. Nangako rin siyang itutulak ang mga pagbabago sa Local Government Code upang bigyang kapangyarihan pa ang mga lokal na pamahalaan.

“Ako po ang magiging boses ninyo. Tandaan ninyo yan. Ngayon eleksyon po, magkaisa tayo. I will take care of you,” pagtatapos ni Abalos.