Advertisers
TINIYAK ng Malakanyang na nasa maayos na kalagayan ang kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tugon ito ni Palace Press Officer Usec Claire Castro sa gitna ng mga espekulasyon hinggil sa kalagayan ng kalusugan ng Pangulo na lumabas sa social media.
Ayon kay Castro, patunay ng maayos na kalusugan ng Pangulo ang araw- araw na pagdalo nito sa iba’t ibang aktibidad sa labas ng Palasyo at mga pulong sa Malakanyang, na hindi aniya magagampanan ng Pangulo kung hindi ito malakas, masigla at maayos ang pangangatawan.
Mensahe naman ni Castro sa mga fake news peddler na huwag gawan ng kwento ang Pangulo sapagkat hindi ito nakabubuti sa bansa.
Marapat pa nga sana aniya na ipagdasal na lamang ng mga Pilipino ang mabuting kalusugan ng Pangulo para maipagpatuloy nito ang epektibong pamumuno sa bansa at huwag umastang mga doktor sa social media. (Vanz Fernandez)