Advertisers
Sa paggunita ng Araw ng Kagitingan, nagbigay-pugay ang TRABAHO Partylist sa katatagan at kabayanihan ng mga manggagawang Pilipino, na inihalintulad sa sakripisyo ng mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at sa araw-araw na pakikibaka ng mga manggagawa sa kasalukuyan.
“Ang diwa ng Araw ng Kagitingan ay patuloy na isinasabuhay ng ating mga manggagawa, ang ating mga makabagong bayani, na sa kabila ng hirap sa buhay ay patuloy na itinataguyod ang kaunlaran ng bansa,” pahayag ni Atty. Mitchell-David L. Espiritu, tagapagsalita ng TRABAHO Partylist.
Muling pinagtibay ng TRABAHO Partylist ang kanilang adbokasiya para sa inklusibo at sustenableng oportunidad sa trabaho. Ayon sa grupo, ang tunay na kagitingan sa kasalukuyan ay ang pakikipaglaban para sa isang kinabukasang may dignidad at makabuluhang hanapbuhay para sa lahat ng Pilipino.
Itinatag ang TRABAHO Partylist, bilang 106 sa balota, sa prinsipyo ng pagpapabuti ng kalagayan ng mga manggagawa at pagsusulong ng tunay na pagkakapantay-pantay. Ilan sa mga pangunahing repormang itinutulak ng grupo ay ang pagpapatupad ng makatarungang sahod, mas maayos na kundisyon sa trabaho, dagdag na suporta sa maliliit na negosyo, at pinalawak na access sa mga programa para sa pagsasanay at kaalaman. Bukas rin ang grupo sa pagtalakay ng mga makabagong polisiyang tulad ng Universal Basic Income upang tugunan ang tinatawag na “in-work poverty.”
“Habang ginugunita natin ang kabayanihan ng ating mga ninuno, sama-sama rin tayong mangako sa pagtataguyod ng isang lipunang walang naiiwan, isang lipunan kung saan ang bawat manggagawa ay may dignidad, proteksyon, at kapangyarihang umunlad,” pagtatapos ni Atty. Espiritu.