Advertisers
BUMISITA kamakailan sa bansa si US Defense Secretary Peter Hegseth, bagay na siyempre pa ay “ipinagbunyi” ng mga amuyong ni Uncle Sam, err, mga opisyales ng ating gobyerno.
‘First stop’ ni Hegseth ang ‘Pinas, bago siya nagtungo sa Japan at dahil ‘first stop,’ ibinida pa ng mga propagandista ng gobyerno na pagpapakita ito ng “kahalagahan” ng ating bansa sa pananaw ng ‘Tadong Unidos.
Malaking bagay din para sa kanila na muling binanggit ni Hegseth ang “gasgas” na linyang ‘iron-clad-commitment’ ng US sa depensa ng Pilipinas, sakaling magtagumpay silang dalawa na “urutin” sa giyera ang China.
Sa ganang atin, sadyang “tanga” at “ogags” lang ang maniniwala sa deklarasyong ito ng Amerika.
Tingnan ang sinapit ng mga naunang bansa na “nangako” ng todong suporta ang mga Kano sa kanilang mga papet na rehimen: South Vietnam, Iraq, Afghanistan at ngayon, ang Ukraine.
‘At hindi pa man napapawi ang “ngiti” ng ating mga opisyal, ibinandera ni US President Donald Trump na “kasama” ang ‘Pinas sa mga bansang tinarget ng kanyang ‘Tariff War’ kung saan pinatawan tayo ng ‘minimum’ na 17-porsiyentong buwis sa mga ‘export products’ natin patungong Amerika.
Kaya ang tanong: “Ano” ba talagang relasyon meron tayo sa Amerika? Talaga bang “kaalyado” tayo ni Uncle Sam? O “dakilang amuyong” lang na siya namang papel natin sa 127-taon nating relasyon sa kanya?
Mantakin ninyo, mga kabayan, “nakahanda” ang mga Kano na pumasok sa giyera para sa ating depensa pero payag din itong pabagsakin ang ating ekonomiya sa mga hindi makatwirang buwis sa ating mga produkto?
Saan kaya tayo “dadamputin” kapag ganyan?
Kawawang Pilipinas!