Advertisers
PINATAWAN ng contempt ng House tri-committee ang apat na social media influencers kabilang sina Sass Rogando Sasot at mga dating opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na sina Lorraine Badoy at Jeffrey Celis.
Dahil ito sa hindi nila muling pagsipot sa pagpapatuloy nitong Martes, Abril 8, ng pagdinig ng House tri-committee ukol sa pagpapalaganap ng fake news at disinformation.
Isinulong ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Paduano ang contempt bunsod ng paulit-ulit na pagdedma ng nabanggit na mga social media personality sa “summons” nang walang legal na excuse.
Kaakibat ng contempt ang utos na pagpapa-aresto at pagdetine sa Kamara kina kina Sasot, Badoy at Celis na base sa impormasyon ng Komite ay nasa ibang bansa.
Kasama rin sa pinatawan ng contempt ang vlogger na si Mark Lopez dahil sa kanyang malisyosong social media post laban sa tri-committee matapos siyang humarap sa ikatlong pagdinig.