Advertisers
IGINIGIIT pilit ni Bato del Rosa na “kasalanan” lahat ni BBM kung bakit dinakip, “kinidnap,” at ikinulong si Gongdi. Sisihin si BBM, aniya, dahil ibinigay niya si Gongdi sa International Criminal Court (ICC). Teka, teka, huwag tayong magpadala sa init ng ulo at ni Bato. Hindi niya naiintindihan ang isyu.
Sumumpa si Gongdi bilang pangulo noong 2016. Natalo si BBM at naging mamamayan na ordinaryo lang siya. Si Gongdi ang naglunsad ng madugo pero palpak na giyera kontra droga. Alam niya na labag sa batas na basta pumatay ng mamamayan. Basta napagbintangan na may kaugnayan sa droga, patay agad.
Ngayon, si BBM ang maysala dahil isinuko sa ICC. Kanino bang giyera kontra droga ang nangyari? Sino ba ang pumatay at gumawa ng labag sa batas?
Kaya nakakagulat na isinisisi ni Bato kay BBM ang lahat-lahat? Sino ba ang mamamatay tao?
Desperado lang si Bato dahil siya ang susunod na huhulihin at dadalhin sa kulungan ng ICC sa Scheveningen, The Netherlands. Sa ganang amin, utos lang ng naimpatsong utak ni Bato ang kanyang pinagsasabi. Alam niya na mananagot siya sa batas ng tao at Diyos. Wala sa katwiran si Bato. Walang-wala. Alam ni Bato na mamamatay tao si Gongdi at magbabayad ng atraso.
***
ISA si Chiz Escudero sa mga malaki ang diperensya sa pag-iisip. Pilit binabaluktot ang katwiran. Pero ibang klase si Escudero. Oportunista siya dahil nais niyang makinabang sa bawat sitwasyon ng pulitika niya. Babaguhin niya ang unawa kahit ang letra ng Saligang Batas. Iibahin ang kahulugan ng diksiyonaryo basta siya ang makikinabang.
Mahusay si Chiz pero hindi siya dapat pagtiwalaan. Mahal niya ang sarili pero hindi ang bayan. Mas uunahin ang sarili hindi ang bansa. Wala siyang pakialam kung ano ang mangyari sa bansa basta ang mahalaga ay siya ang mauna. Hindi ko ibibigay sa kanyang mga kamay ang kapalaran ng bansa. Wala na ba tayong ibang lider na uunahin ang kapakanan ng bansa?
Kitang kita natin kung paano sinasalaula ni Escudero ang napipintong impeachment trial ni Sara Duterte. Ibinibigay ni Chiz ang lahat ng proteksyon kay Sara upang makalusot sa mga bintang sa kanya lalong lalo na ang pagnanakaw ng pondo ng gobyerno. Gagawin ni Chiz ang lahat upang manaig ang kanyang kinabukasan sa pulitika. Matyagan si Chiz.
***
GAGANAPIN sa ika-23 ng Setyembre ang pagdinig ng ICC Pretrial Chamber sa confirmation of charges. Dito malalaman kung ano-ano ang mga bintang na haharapin ni Gongdi sa ICC. Aalamin din kung marapat o hindi sumailalim sa paglilitis sa Gongdi.
Pero ang hindi alam ng maraming kababayan ay mayroon lamang 60 araw ang mga hukom ng ICC upang magdesisyon kung magkakaroon o hindi ng paglilitis si Gongdi.Samakatuwid, malalaman natin kung lilitisin si Gongdi bago sumapit ang Pasko ngayong taon. Samantala, mananatili si Gongdi sa kanyang selda sa prison facility ng ICC sa Scheveningen.
Pero huwag mag-alala, matindi ang mangayari sa susunod na siyam na buwan. Magiging abala ang magkabilang panig. Ilalatag ng prosecution team ang mga paratang kay Gongdi lalo na ang sakdal na crimes against humanity laban sa kanya. Maaari rin maglatag ang prosecution team ng ibang sakdal tulad ng torture na pawang batay sa probisyon ng Rome Statute, ang tratado ng maraming bansa na bumuo sa ICC.
Lumalabas na hindi naging pabor kay Gongdi ang pagtiwalag ng Filipinas sa pagiging kasaping-bansa ng Rome Statute. Nawala ang mga pribilehiyo na maaari sana matasa ni Gongdi. Tulad ng interim liberty, dahil hindi kasaping bansa ang Filipinas, hindi bibigyan ng pansamantalang kalayaan si Gongdi at ibalik sa Filipinas. Hindi puede iyan sa hindi kasaping bansa.
***
HINDI namin nakikita na makakalaya si Gongdi bago ang Pasko. Maraming katibayan na hawak ang prosecution team. Kamakailan, nagbitiw ng mabigat na salita si Boying Remulla bilang kalihim ng DoJ. Inamin niya na 95% ng lahat ng mga patayan na nasa kategoryang EJK ay walang police report. Dahil walang police report, walang masinop na pagkilos ang pulis upang magkaroon ng masusing pagsisiyasat kung sino ang nasa likod ng mga patayan.
Mahalaga ito dahil magsisilbi itong batayan kung may jurisdiction ang ICC sa mga EJK na kaugnay sa madugo pero bigong digmaan kontra droga ni Gongdi. Walang maipapakitang ebidensya ang depensa upang patunayan na kumilos ang PNP upang lutasin ang maraming EJKs. Kung walang police report, walang imbestigasyon, marapat lang ang ICC ang magsuri. Iyan ang problema ng defense ni Gongdi
***
Email:bootsfra@yahoo.com