Advertisers
ANG Taguig Music Festival ay naghahatid ng dalawang araw ng musical entertainment para sa mga residente ng Taguig at mga bisita sa pagdiriwang ng ika-438 na anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod.
Umaapaw ang kasiyahan ng mga Taguigeño sa libreng konsiyerto simula kahapon, April 4, na ginanap sa Arca South Open Grounds sa Barangay Western Bicutan, Taguig City, mula alas-tres ng hapon.
Kasama sa mga performers ang: Mayonnaise, Dionela, Armi Millare, Any Name’s Okay, Rob Deniel,Natural High Whirlpool Street at Pau Gesi.
Ngayong araw, Abril 5, magpapatuloy ang Taguig Music Festival sa TLC Park, C6, Barangay Lower Bicutan. Ang mga performers ay sila, Rico Blanco,Lola Amour, Ebe Dancel, Nobita ,This Band,Masaflora, Six or Seven Band, Axcel Ragsta at Maharlika Hood.
Pinaalalahanan ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang mga pupunta sa konsiyerto na ingatan ang kanilang mga gamit at iwasan ang anumang kaguluhan. Magkakaroon ng security check sa entrance ng concert grounds, at malinaw na may markang exit gates sakaling kailanganin ang mga ito, lalo na kung may mga emergency.
Kinakailangang sundin ang mga tagubilin ng mga tauhan ng seguridad at kaganapan kung sakaling magkaroon ng emergency at kinakailangang umalis. Pinapaalalahanan din ang mga dadalo na kumain at uminom bago pumunta sa konsiyerto, dahil ipinagbabawal ang pagdadala ng pagkain at inumin mula sa labas.
Hinihimok din silang manatiling alerto at maging mapagmatyag sa kanilang paligid sa panahon ng konsiyerto. Kung masama ang pakiramdam ng sinuman, maaari silang humingi ng tulong sa mga medic,security, o kawani ng lugar. (JOJO SADIWA)