Advertisers
NASAWI ang hepe ng pulisya ng Sta. Ana, Cagayan nang sumalpok ang minamanehong sasakyan sa van at bumaliktad sa kahabaan ng kalsada ng Sitio Limbus, Barangay Rapuli, Santa Ana, Martes ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Major Ranolfo Gabatin, residente ng Centro East, Sta. Teresita ng lalawigan.
Sa ulat, isinugod ng rescue team ang biktina sa Father Filippeto Memorial Hospital sa Brgy. Sta Cruz, Sta. Ana, pero binawian din ito ng buhay dahil sa matitinding sugat na tinamo nito sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.
Sa report ng Cagayan Police, 4:00 ng hapon nang mangyari ang trahedya habang minamaneho ng opisyal ang kaniyang kotse na binusinahan at nag-signal na mag-o-overtake sa isang behikulo na mabagal ang takbo. Gayunman, ang Toyota Hi Ace Commuter Deluxe van na minamaneho ng isang Joseph Munzon, 56 anyos, ay bigla-biglang pinabilis ang takbo kung kaya’t sumalpok dito ang sasakyan ng biktima.
Sa lakas ng pagkakabangga, nagpagewang-gewang ang sasakyan ng hepe at bumaligtad pa.
Nasa kustodya na ng Sta. Ana Police Station ang driver ng van na nahaharap sa kaukulang kaso sa pagkasawi ng naturang opisyal.