Advertisers

Advertisers

CIDG WINALIS MGA ‘PAIHI’ SA BICOL!

0 1,141

Advertisers

Ni CRIS A. IBON

SA atas ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director, Major General Nicolas Torre III, winalis nitong Miyerkoles, Abril 2, ng mga operatiba sa Region 5 ang mga operasyon ng “paihi” o “buriki” sa Kabikulan.

Unang tinamaan ng police dragnet ay ang kuta ng sindikato ng paihi sa Barangay Pinagdapian, Del Gallego, Camarines Sur.



Nasakote sa raid ng mga tauhan ni Colonel Bernoulli Abalos sina Melody G. Cena, 42 anyos; at John Lee E. Cueto, 20, kapwa ng Brgy. Pinagdapian.

Nakumpiska sa dalawa ang 30 plastic containers na naglalaman ng mga krudo at gasolina na tinatayang nagkakahalaga ng ‘di kukulangin sa P50,000. Ang petroleum products ay ibinenta sa kanila ng mga suking magnanakaw na tanker truck drivers at helpers.

Si Cena ay pinagsususpetsahang katiwala ng mga paihi operator na sina alyas Cholo at Goto na kapwa lider ng Violago syndicate at ng kasosyong si alyas Amigo.

Sina Cena at Cueto, isang helper ng sindikato, ay nasorpresa ng CIDG operatives bandang 4:00 ng hapon sa kanilang kuta sa Brgy. Pinagdapian na kanugnog ng mga Brgy. Sinuknipan at Tanza 5 Highway, mga lugar na talamak din ang paihi/buriki.

Nakapiit sa CIDG holding area ang dalawang nadakip habang inihahanda ang kaukulang kasong isasampa laban sa mga ito.



Tiniyak ni Torre na walang “white wash” sa kaso ng mga naaresto. Ipinangako nina Torre at Abalos na hindi “ningas-kugon lamang” kundi tuloy-tuloy ang kanilang inilunsad na “O Plan Ligas”, na naglalayong lipulin ang paihi/buriki operation sa buong Region 5.

Bukod sa mga kuta na ito, bayan ni Del Gallego Mayor Melanie Abarientos-Garcia, ay may paihian/burikan din ang naturang grupo sa bayan ng Pasacao, Camarines Sur, na sakop ni Mayor Jorge R. Bengua. May mga kuhang litrato ang Police Files Tonite photographer ng ilang kuta ng naturang sindikato.

Ang pagsalakay sa naturang kuta ay batay sa binuong “O Plan” ni Abalos, alinsunod sa direktiba ni Torre na lansagin ang paihi/buriki na itinuturing na “economic saboteurs” sa bansa.

Kasunod ito ng pagbubunyag ng Police Files Tonite na lantaran ang paihi/buriki operation ng sindikato na pinamumunuan ng Violago Group at Amigo sa mga bayan ng Del Gallego at Pasacao na parehong nasa hurisdiksyon ni PNP Region 5 Director, BGen. Andre Dizon.

Bukod sa malaganap na paihi/buriki operation sa Bicol ay talamak din ang naturang illegal activity sa lalawigan ng Cavite, partikular ang pinatatakbo ng magkasosyong Amang, Cholo at Goto ng Violago Group na deka-dekada nang nag-o-operate sa Brgy. Bancal, Carmona City, Cavite

Ipinangangalandakan naman ng isang Aldo na maging sa mga tanggapan ng Cavite PNP OIC Provincial Director, Col. Dwight Alegre; at Cavite CIDG Provincial Office chief LtCol. Mark Jayson Gatdula ay may milyones ding hatag ang naturang sindikato.

“Pakulo” pa ni Aldo ay kumpleto ang kanilang papeles, ngunit patagong nagdidiskarga sa kanilang kuta ng mga nakaw na gasolina, krudo at LPG ang mga kasabwat nilang tanker, capsule truck driver at helper.

May paihi operation din sa Brgy. San Luis I at San Luis II ang magkasosyong Sammy at Alfred sa bayan ng Guinyangan, Quezon Province. Ngunit dahil din sa milyones na election fund para sa ilang lokal na opisyales ay ‘di masawata ang operasyon nito.

Ilang taon nang nag-o-operate ang “Paihi King” ng Quezon Province na si alyas Sammy at ang kasosyo nitong si Alfred sa Brgy. San Luis I at San Luis sa hurisdiksyon nina Gov. Angelina “Helen” Tan at Quezon PNP Provincial Director Col. Ruben Lacuesta.

Bukod sa mga paihian/burikian sa Bicol at Cavite, may mga kuta rin ng naturang sindikato sa lalawigan ng Laguna, partikular ang pinatatakbo ng magkapatid na Ador sa Brgy. Makiling, Paciano Rizal, Calamba City at Silangan Exit, Cabuyao City. Nag-o-operate ang mga ito sa ibabaw lamang ng “tungki ng ilong” nina CIDG Regional Field Unit Chief Col. Emerick Sibalo at Laguna PNP OIC Provincial Director Col. Ricardo Dalmacia.

Nanatiling ‘di natitinag naman ang operasyon ng paihi/buriki ng isang alyas Balita sa compound ng isang beach resort sa Brgy. Simlong, Batangas City. Kusang nagsihinto na ng kani-kanilang operasyon ang iba pang ilegalista sa naturang siyudad.

Mahigit sa 40 years nang ino-operate ni Balita ang kanyang paihian/burikian sa barangay ni Simlong Chairman Rufo Caraig, ngunit di inaaksyunan at tameme lang laban dito sina Batangas PNP Provincial Director Col. Jacinto Malinao Jr., CIDG Provincial Officer Lt Col. Jake Barila, at Batangas City Police Chief LtCol. Ira Morillo.

Mahigpit ang direktiba nina PDGen. Marbil at Torre sa kanilang kapulisan na ipatupad ang “No Take Policy”.

Nauna rito, hinimok ng grupo ng anti-crime and vice crusaders na aksyunan nina Batangas 2nd District Rep. Gerville “Bitrics” Luistro ng Kamara at ni Torre ang mga naturang illegal activity na di matinag ng pulisya, National Bureau of Investigation (NBI) at maging ng mga PNP regional at provincial directors.