Advertisers
ISUSULONG ng FPJ Panday Bayanihan partylist ang ibayong pagpapalakas ng Indigenous Peoples Right Act (IPRA) para sa proteksiyon ng lupaing katutubo at direktang paglahok nila sa paggogobyerno.
Ayon kay Brian Poe Llamanzares, patuloy na kinakaharap ng mga Indigenous People ang hamon sa pag-secure ng pagkilala at proteksyon ng kanilang mga ancestral domain bunsod ng magkasalungat na mga batas at patakaran na umiiral.
Inihayag ni Brian Poe, unang nominado ng FPJ Panday Bayanihan Partylist, ang kanyang pag-alala sa kalagayan ng mga katutubo mula dinaluhan nitong pagtitipon na ginanap kamakailan sa Naujan, Oriental Mindoro.
Sa ulat ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), nananahan sa Pilipinas ang mahigit 180 IPs na grupo, bawat isa sa kanilang lipi ay may taglay silang natatanging kultura, wika, at tradisyon.
Sa Oriental Mindoro ay may 91,940 populasyon ang katutubo na sumasaklaw ng 10.1% ng 906,660 na household population ng naturang lalawigan. Ang mga pangunahing katutubong grupo sa isla ng Mindoro ay ang Hanunuo Mangyan, Iraya Mangyan, at Buhid Mangyan.
Sa pambansang saklaw, ang mga lupain at teritoryo ng mga katutubo ay madalas na tinatarget para sa pagkuha ng mga resources, mga proyektong pang-imprastraktura, at malawakang agrikultura, na humahantong sa displacement, pagkasira ng kapaligiran, at pagkawala ng mga kabuhayan, lahad ni Poe.
Hadlang sa karapatan sa lupa ng mga katutubo ay ang mga salungat na batas at mga hakbangin ng gobyerno na naglalagay sa panganib ng kanilang kabuhayan at kultural na pagkakakilanlan.
Bagama’t ang IPRA ay naglalayong kilalanin at protektahan ang mga karapatan ng IP, ngunit ang pagpapatupad nito ay nananatiling hindi kumpleto at hindi naaayon, pagkabahala ni Poe.
Hangad pa ng FPJ Panday Bayanihan Partylist na magkaroon ng direktang kinatawan ng mga katutubo sa Kongreso at lokal na pamahalaan upang masiguro ang kanilang boses at karapatan ay madinig.
“Ang mga katutubo ay kadalasang salat sa representasyon o hindi kasama sa mga proseso ng paggawa ng desisyon na nakakaapekto sa kanilang buhay at teritoryo, na humahadlang sa kanilang kakayahang isulong ang kanilang mga karapatan at interes,” saad ni Poe.
Sa kaugnay na ulat, hinimok ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor ang kanyang mga constituents na taglayin ang FPJ Panday Bayanihan Partylist bilang pangunahing pagpipilian.
Asawa ng gobernador si Hiyas Govinda Ramos-Dolor, ikatlong nominado ng FPJ Panday Bayanihan Partylist.
Nagbigay pugay si Poe sa mga pagsisikap ng gobernador sa mga tampok na hakbagin at proyekto para pagpapabuti ng bawat pamayanan sa island province ng Mindoro.