Advertisers
Dead on the spot ang isang lalaki nang pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi kilalang mga salarin na magkaangkas sa motorsiklo sa Malabon City, Martes ng tanghali.
Nagtamo ng dalawang tama ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril ang biktimang si Benjamin Codilan, 58, driver ng Block 24 Lot 24, Barangay NBBS, Navotas City.
Sa ulat ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan kay Northern Police District Director PBGen. Josefino Ligan, alas-12:26 ng tanghali nang maganap ang insidente ng pamamaril sa biktima sa Block 49, Pampano St., Brgy. Longos ng lungsod.
Sakay ang mga suspek sa isang Honda Beat motorcycle nang huminto ang mga ito sa naturang lugar saka bumaba ang back-rider at nilapitan ang biktima.
Agad bumunot ng baril ang gunman at dalawang beses na pinutukan sa mukha ang biktima na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan at mabilis namang tumakas ang mga suspek patungong C4 Road, Navotas matapos ang insidente.
Patuloy naman ang follow-up imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pakakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang tunay na motibo sa pagpatay sa biktima.(Beth Samson)