Advertisers

Advertisers

PANALO SI TSIS

0 95

Advertisers

PANALO SI TSIS

 

MASKI saan anggulo tingnan, panalo si Tsis sa desisyon na ipagpaliban ang impeachment trial ni Misfit Sara sa ika-30 ng Hulyo. Patalsikin o hindi ng Senado si Misfit Sara sa paglilitis, si Tsis ang mangingibaw. Ito ang dahilan kung bakit ipinagpaliban niya ang paglilitis kahit nilabag niya ang Konstitusyon sa mandando na litisin kaagad ng Senado ang sinumang impeachable official. Alam ni Tsis na walang talo ang kanyang political career.



Alam ni Tsis na wala siyang mapapala kung susundin niya ang gusto ng kampo ni BBM. Hindi siya ang bata ni BBM sa 2028. Hindi siya mamanukin sa susunod na halalang pampanguluhan. Mas my provecho siya sa kampo ni Gongdi kesa sa kampo ni BBM, kung tutuusin.

Kung ipawalang sala si Misfit Sara ng Senado, siya ang kandidato para bise presidente ni Misfit Sara. Pero kung mapatalsik siya, may malaking tsansa si Tsis bilang pamalit kay Misfit Sara. Siya ang mapipisil ng kampo ni Gongdi na isabak sa panguluhan sa 2028.

Hindi si Bong Go na kinamumuhian ni Misfit Sara. Hindi si Robin Padilla na hindi sineseryoso ng publiko at kahit ang kapwa niya pulitiko. Alam ni Tsis na mauungusan niya ang dalawang kamote dahil kulang sila ng angking talino upang makipag kompetisyon sa kanya.

Tuso si Tsis sa pulitika. Magaling sa gitgitan. Madulas ang dila at madaling nakumbinsi ang publiko kahit sa mali. Pinakamasakit na maaaring sapitin ng bansa sa 2028 ang mahalal na presidente si Tsis. Magaling lang sa daldal si Tsis.

Maigi rin maintindihan ng bansa ang kasalukuyang sitwasyon sa pulitika ng bansa. Lubhang matindi ang away ng pamilya ni BBM at Gongdi. Malaki ang naiwang sugat at sobrang matindi ang hapdi, sa aming tantiya. Hindi kaagad ito makapaghilom ng ganoon na lang.



Kasalukuyang nakakulong si Gongdi sa prison facility ng International Criminal Court (ICC) sa Scheveningen, The Netherlands. Maaaring mabulok siya doon. Maaaring sa piitan na siya mamatay. Sinisisi ng pamilya ni Gongdi ang mga Marcos sa kapalaran niya. Hindi binigyan ng proteksyon umano si Gongdi at kagyat na ibinigay siya sa Interpol.

Sinasakyan ito ni Tsis. Dahil kampi siya kay Gongdi, inaasahan niya ang suporta at boto ng mga kapanalig ni Gongdi sa bansa. Malaking tanong lang kung lubhang malaki upang maging bise presidente o presidente si Tsis sa 2028.

Alam rin ni Tsis ang China bilang nakatagong baraha. Sinusuportahan ng Peking ang pamilya ni Gongdi. Alam ni Tsis na hindi malayo ang suporta ng China sa kanya sa sandaling suportahan niya si Misfit Sara. Bubuhusan siya ng limpak limpak na salapi upang suportahan ang kanyang kandidatura sa 2028. Aabot sa bilyon piso ang suporta sa kanya ng China. Manalo o hindi, magreretiro bilang mayaman na pulitiko si Tsis.

Alam ni Tsis ang takdang panahon upang maging tuso at walang hiya sa pulitiko. Ito ay ngayon kung saan nahaharap sa malaking pagsubok si Misfit Sara. Pinakamagandang pagmasdan ang pulitika ni Tsis. Tingnan mabuti kung paano niya laruin ang kapalaran ni Misfit Sara. Taan ang kasabihan ng mga Pinoy: Matalino man ang matsing, napaglalalangan din.

***

HINDI maaaring ihambing ang ICC sa ordinaryong hukuman, lalo na ang sa Filipinas. Ito ang dahilan kung bakit sa ika-23 ng Setyembre ang susunod na pagdinig ng Pretrial Chamber ng ICC sa sakdal na crimes against humanity na isinampa laban kay Gongdi at kapanalig. Mahaba-haba rin ang panahon dahil may malaking proseso sa panahon sa pagitan ng unang pagdinig noong Marso at sa susunod sa Setyembre.

Ipinaliwanag ni Michael Tiu, isang propesor sa international law sa University of the Philippines, na humaharap sa malaking trabaho ang prosecution at defense team ni Gongdi sa panahon bago ang pagdinig sa Setyembre. Tahasang inaalam ang batayan ng mga bintang laban kay Gongdi sa proseso ng confirmation of charges. Walang ganitong proseso sa Filipinas.

Karaniwang iniipon ng state prosecution ang mga ebidensiya sa mga hukuman sa Filipinas at ipinasa karakaraka sa hukuman. Kagyat nagpapatawag ng arraignment ang sinumang hukom ng anumang husgado upang alamin kung aamin ang akusado sa mga bintang o hindi. Iba sa ICC, ani Tiu. Totoong inaalam muna ng Pre Trial Chamber kung matwid na sakdal laban sa sinuman inaakusahan ng world crime, ani Tiu.

Malaking trabaho dahil iniiwasan ng ICC ang anuman paglilitis na walang batayan sa batas. Kaya may proseso na confirmation of charges upang malaman ng ganap ang batayan ng mga sakdal. Hindi ito ordinaryo sa batas, ani Tiu. Malaking malaki ang pagkakaiba sa atin, aniya.

***

MGA PILING SALITA: “Nakita ko si Sonny Trillanes at Along Malapitan ng personal. Ang laki ng diperensya. Si Sonny, tindig lalaki. May kumpiyansa sa sarili. May dignidad. May tindig ng may ipagmamalaki. Tindig ng may prinsipyo sa buhay. Si Along, tindig ng walang ipagmamalaki. Tindig ng walang narating sa buhay. Tindig ng walang prinsipyo. Tindig ng dropout. Tindig ng dating adik. Tindig ng talunan sa buhay. Bansot. Mga mamamayan ng Caloocan City, masdan sila at ipaghambing. Masyadong malaki ng pagkakaiba. No contest, kung ako ang inyong tatanungin.” – PL netizen, kritiko