Advertisers
Kapag usapang proteksyon sa pinansyal, mahalagang maunawaan ang iyong mga karapatan bilang beneficiary.
Sa nakaraang episode ng ‘CIA with BA,’ nagtanong si Monina, isang overseas Filipino worker (OFW) mula Hong Kong, ukol sa isang mahalagang isyu sa batas: Pwede ba niyang tanggalin ang kanyang asawa bilang beneficiary?
Ang kanyang tanong sa segment na “Tanong ng Pilipino” ay nagbukas ng isang mahalagang diskusyon ukol sa mga regulasyon tungkol sa beneficiaries sa Social Security System (SSS) at PAG-IBIG Fund.
Direktang tinanong ni Monina, “Pwede po bang tanggalin as beneficiary ang asawa?”
Bilang sagot, ipinaliwanag ni Senator Alan Peter Cayetano ang mga legal na aspeto ng pagiging beneficiary sa dalawang institusyon.
“Dun sa SSS at PAG-IBIG, nasa batas mismo ng SSS na ang beneficiary ay ‘yung asawa. Wala man ‘yan sa batas ng PAG-IBIG, pero both [of them], meron silang rules and regulations,” sabi niya.
Dagdag pa niya, hindi madaling palitan ang asawa bilang beneficiary.
“Nakalagay doon na kung papalitan mo na ang spouse mo as beneficiary, kailangan may proof ka na na-dissolve ang inyong marriage o kaya na-annul, o kaya kayo ay nagkaroon ng legal separation, or kung yumao na ‘yung asawa,” aniya.
Binigyang diin ni Kuya Alan ang dahilan ng mga regulasyong ito, na nagsisilbing proteksyon para sa mga mag-asawa.
“‘Di mo basta-basta mapapalitan ‘yan [dahil] proteksyon din ‘yan ng mag-asawa,” diin niya.
Muling ipinakita ng episode kung paano nagbibigay ang ‘CIA with BA’ ng mga praktikal na legal na kaalaman, lalo na sa mga Pilipinong nahaharap sa mga komplikadong personal at legal na usapin.
Ang ‘CIA with BA’ ay napapanood tuwing Linggo ng alas 11:00 ng gabi sa GMA7, at may replay sa GTV tuwing Sabado ng alas 10:30 ng gabi. Ipinagpapatuloy ng programa ang legacy ng yumaong Senator Rene Cayetano sa pagbibigay ng legal na payo at tulong sa mga nangangailangan.