Advertisers
SA kabi-kabilang pulitikahan nating nasasaksihan sa ngayon, may mga opisyal pa rin na nananatiling tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin—mga opisyal na inuuna ang bayan bago ang sarili, bago ang pulitika, bago ang anumang personal na interes.
Isa na rito si National Security Adviser Eduardo Año. Isang sundalong itinaya ang buhay para sa Bayan. Nag-alay ng 38 taon ng kanyang buhay sa pagtatanggol sa Republika ng Pilipinas. Ang kanyang track record ay hindi matatawaran—mula sa pagiging Commanding General ng Philippine Army sa ilalim ni Pangulong Noynoy Aquino, Chief of Staff ng AFP at DILG Secretary sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte, at ngayon ay National Security Adviser ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Ano ang sinasabi nito tungkol sa kanya? Hindi siya alipin ng pulitika. Siya ay isang tunay na lingkod ng bayan na sumusunod sa Konstitusyon at sa sinumang halal na Commander-in-Chief. Hindi siya pumipili ng boss batay sa pulitikal na kulay. Ang tanging gabay niya sa serbisyo ay ang Konstitusyon at ang kanyang sinumpaang tungkulin sa bayan.
Sa loob ng halos apat na dekada sa serbisyo, hindi kailanman nasangkot si Año sa anumang pulitikal na intriga o pansariling ambisyon. Hindi siya isang opisyal na nagbabalak tumakbo sa eleksyon o nagmamanipula ng mga pangyayari upang magamit para sa sariling interes. Siya ay isang career officer na sumusunod sa chain of command—isang taong naniniwala na ang pinakamataas na interes ay ang interes ng bayan.
Ang kanyang papel sa nagdaang pagpupulong sa Malacañang ay malinaw: siguraduhin na hindi mauwi sa kaguluhan ang sitwasyon at mapanatili ang katatagan ng bansa. Wala siyang kinalaman sa pagpapatupad ng ICC warrant—isang bagay na saklaw ng mandato ng DOJ at PNP, hindi ng NSC.
Ang katapatan ni Año ay hindi sa isang tao, hindi sa isang partido, kundi sa Konstitusyon, sa demokrasya, at sa sambayanang Pilipino. Hindi siya bahagi ng anumang sabwatan o panggigipit. Siya ay isang tunay na lingkod-bayan na hindi natitinag sa gitna ng mga kasinungalingan.
Sa isang gobyernong puno ng ingay at intriga, kailangan natin ng mas maraming lider na tulad ni NSA Año—mga taong inuuna ang serbisyo, hindi ang sarili.