Advertisers

Advertisers

Proseso sa Olongapo OCP pinarerebisa sa DoJ…NANAY ITINANGGI ANG ‘RAPE CASE’ SA TAIWANESE BUSINESSMAN

0 18

Advertisers

NAGSAMPA ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) ang nanay ng isang menor-de-edad mula sa Bataan matapos umanong magamit ang kanilang pangalan sa kasong “rape” na isinampa laban sa isang respetadong Taiwanese businessman sa Olongapo City Prosecutor’s Office (OCP) noong Pebrero 2025.

Sa isang liham nitong Marso 21, na ipinadala kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Prosecutor General Richard Fadullon, sa pamamagitan ni Atty. Baltazar Beltran ng Beltran, Madrid Law Office, sinabi ng 39-anyos na ginang na hindi siya ang nakapirma sa umano’y sinumpaang reklamo ng kanyang anak laban sa negosyante na matagal nang locator sa Subic Free Port.

Sa bukod na testimonya sa OCP noong Marso 20, sinabi pa ng ginang na buwan pa ng Enero ngayong taon nang umalis sa kanilang bahay ang dalagita at nagulat na lamang sila nang malaman na may isinampa itong reklamo ng ‘3-counts of rape, child abuse at corruption of minor’ sa Piskalya ng Olongapo.



Ayon pa sa ginang, sapul nang umalis sa kanilang bahay, wala silang alam sa estado at kinaroroonan ng kanilang anak.

Nangyari umano ang insidente sa resthouse ng negosyante sa loob ng SBMA Hulyo 2022, noong 15-anyos palang umano ang biktima. Isinampa ang reklamo sa Piskalya ng Olongapo Pebrero 13, 2025, halos tatlong taon matapos ang umano’y panghahalay.

Idinagdag pa ng ginang na katatapos pa lamang niyang manganak noong Marso 17, subalit napilitang magpunta sa OCP noong Marso 19 upang pabulaanan na siya ang kasama ng anak sa pagsasampa ng reklamo.

Sa liham pa ni Beltran sa DOJ, lubha aniyang nakababahala ang desisyon ng Deputy Prosecutor ng Olongapo na tumangging iharap sa kanila ang umano’y biktima at ang piskal na nagpasumpa sa kanya upang linawin ang pangyayari.

Sa iniskedyul na ‘clarificatory hearing’ noong Marso 24 sa OCP, hindi ipinatawag ang piskal upang maibigay ang kanyang panig.



Malakas aniya ang kanilang hinala na gawa-gawa lamang ang reklamo at peke ang pagkatao ng mga nasa likod nito upang makapangikil sa kanilang kliyente.

Nakatakda ring makipag-usap si Beltran sa pamunuan ng SBMA sa ilalim ni Chairman Eduardo Jose Aliño matapos masangkot sa insidente ang ilang empleyado at opisyal ng SBMA.