Advertisers

Advertisers

Sen. Go sa lindol sa Myanmar, Thailand: Agarang tulong sa mga Pinoy, bilisan

0 9

Advertisers

Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga kinauukulang ahensya partikular na ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Department of Migrant Workers (DMW) na kumilos nang mabilis at gawin ang lahat para matulungan ang mga apektadong Pilipino kasunod ng magnitude 7.7 lindol na tumama sa Myanmar at ilang bahagi ng Thailand noong Marso 28.

Isa sa mga nag-akda at isponsor ng Republic Act No. 11641 na lumikha sa DMW, sinabi ni Go na ang pagprotekta sa overseas Filipino workers (OFWs) sa panahon ng krisis ay dapat ituring na “urgent national concern”.

“Kapag may sakuna sa ibang bansa, hindi puwedeng umasa lang tayo sa impormasyon mula doon. Dapat tayo mismo ang kumikilos, tumatawag, at sumusundo kung kinakailangan. Buhay ng kababayan natin ang nakataya,” ani Go na nanawagan sa gobyerno na paigtingin ang coordination at response efforts nito.



Ayon kay DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo de Vega, apat na Pinoy sa Myanmar ang hindi pa nahahanap. Dalawa sa kanila, mag-asawa, ay nakatira sa isang residential building sa Mandalay na gumuho noong lindol. Ang apat ay sinasabing mga propesyonal—mga guro o manggagawa sa opisina.

Kumitil na sa mahigit 1,600 buhay sa Myanmar, ang lindol ay nangangailangan ng international humanitarian response.

Sinasabing nagsimula na ang gobyerno ng Pilipinas ng paghahanda ng tulong medikal at ang Office of Civil Defense ay nagpatawag ng inter-agency meeting para talakayin ang mga posibleng deployment. Inilagay din ni Health Secretary Teodoro Herbosa ang tatlong Philippine Emergency Medical Assistance Teams (PEMAT) sa standby para sa deployment.

Ngunit para kay Go, kilala sa kanyang matagal nang adbokasiya para sa mga OFW, dapat maging mabilis at agaran ang aksyon ng gobyerno.

Muling iginiit ni Go na ang paglikha sa DMW sa ilalim ng administrasyong Duterte ay upang matugunan ang mga sitwasyong tulad nito. Nilagdaan bilang batas noong Disyembre 2021, pinagsama-sama ng Republic Act No. 11641 ang lahat ng serbisyo sa ilalim ng isang departamento upang maging mas mahusay at nakapokus ang tulong sa OFWs.



“Itinuturing nating bagong bayani ang mga OFW. Mahirap mawalay sa pamilya para mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak. Kaya sikapin talaga nating maiparamdam sa kanila ang malasakit at maiparating ang serbisyo na kailangan nila sa oras ng krisis tulad nito,” idiniin ni Go.

Hinikayat naman ng senador ang mga Pilipino sa ibang bansa, lalo ang mga naapektuhan ng lindol, na makipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas para sa agarang tulong at suporta.

Ang 7.7-magnitude na lindol na may lalim na humigit-kumulang 10 kilometro at ang epicenter ay matatagpuan malapit sa gitnang bayan ng Myanmar sa Rehiyon ng Sagaing, isang lugar na makapal ang populasyon, puno ng mga mababang gusali, mga tirahan at mga templo.

Naramdaman din ang lindol sa mga hanggahan ng Thailand, Laos, at ilang bahagi ng China.