Advertisers
NAISUMITE na ng International Criminal Court (ICC) prosecutor ang inisyal na set ng ebidensya sa crimes against humanity na kaso ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Nitong Marso 21 nang isinumite ni Prosecutor Karim Khan ang 181 piraso ng ebidensiya sa defense team ni Duterte.
Kasama rito ang Warrant of Arrest na inihain sa dating pangulo.
Inaasahang mas maraming ebidensiya pa ang ihahain ng prosecution team laban kay Duterte sa mga susunod na araw, bago ang deadine na April 4 na itinakda ng international court.
Kinabibilangan ito ng mga written documentation, mga larawan, video, at audio recording.
Ang nalalabing ebidensiya, kasama ang posibleng mga iprepresentang testigo kung mayroon man, ay kailangang i-disclose ng prosecution team bago magpaso ang deadline na itinakda ng international court.
Batay sa polisiyang sinusunod ng naturang korte, dapat ay maagang maimpormahan ang ICC-Pre Trial Chamber I kung balak ng prosecution na humingi ng protective measure sa mga testigo at biktima na nais nitong ipresenta, kasama na ang iba pang indibidwal na maaaring maharap sa anumang banta, kung sakaling ilalabas ang kanilang pagkakakilanlan.
Samantala, mayroon namang hanggang April 11 ang kampo ng dating pangulo upang isumite ang mga counter-evidence nito. Kailangan ding impormahan ng Duterte camp ang ICC kung mayroon itong mga testigo sa nakatakdang confirmation hearing.
Matatandaang nasa kustodiya ng ICC si Duterte matapos na magkaroon ng matibay na ebidensiya sa mga napaslang sa war on drugs campaign sa panunungkulan ng dating pangulo.