Advertisers

Advertisers

Mayor sa Batangas inaresto paglapag sa NAIA mula US trip, diretso kulungan

0 21

Advertisers

INARESTO si Bauan, Batangas Mayor Ryanh Dolor ng pinagsanib na pwersa ng Office of the House Sergeant-at-arms, Airport Police, CIDG at Bureau of Immigration nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport.

Sa report, ang pag-aresto kay Dolor ay base sa bisa ng detention order at kasong contempt na inihain laban sa kanya ng House of Representatives dahil sa ilang beses na hindi pagsipot sa House ‘inquiry in aid of legislation’.

Ayon kay House Sergeant-at-Arms retired Police Major General Napoleon Taas, nakapiit na sa House detention facility si Dolor nang arestuhin sa arrival area ng NAIA Terminal 1.



Lulan si Dolor, 45 anyos, ng Philippine Airlines flight PR 113 mula sa Los Angeles, California,11:34 ng gabi ng March 26, at dumating ng bansa ang alkalde sa pagitan ng 12:08 at 12:20 ng umaga nang arestuhin ito ng mga awtoridad.

Pinatawan si Dolor ng paglabag sa Section 11, Paragraph A ng House Rules of Procedure.

Nabatid na March 17 nang lagdaan ang ‘contempt order’ laban sa alkalde ni House Committee on Public Accounts chair Rep. Joseph Stephen Paduano.

Maliban kay Dolor, kasama rin sa pina-contempt ng Kamara ang mga opisyal ng Aquadata na sina Joseph Yu at Jonathan Yu.

Una nang pinatawan ng contempt ng House Committee on Public Accounts si Dolor dahil sa hindi pagdalo sa pagdinig kaugnay sa privatization ng Bauan Waterworks System (BWS).



Pirmado ang travel order ni Dolor patungong US ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas. Mula Marso 11 – 26 ang kanyang biyahe dahil sa medical reasons.

Kinuwestiyon ng mga mambabatas sa pangunguna ni Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores ang biyahe ni Dolor lalo at wala itong maipakitang medical records.

Kaugnay ang imbestiga-syon ng Kamara sa House Resolution (HR) No. 2148 na inakda ni La Union Rep. at House Deputy Majority Leader Paolo Ortega hinggil sa umano’y maling paggamit ng pondo at iregularidad sa transaksyon ng LGU sa Aquadata Inc.

Una nang sinabi ng Commission on Audit (COA) na ang kontrata ng LGU at Aquadata walang legal at financial basis.

Mananatiling nakapiit si Dolor sa Kamara hanggang sa hindi natatapos ang pagdinig ng panel ukol sa isyu.