Advertisers

Advertisers

BANTAD ANG IBIG

0 2,162

Advertisers

Kaunting bato kaunting semento rebulto este inidoro, kasabihan ng mga obrero na nagtatayo ng mga matataas na gusali. Walang pag-aalinlangan na mahirap ang magtayo ng ano mang istraktura higit sa kapakinabangan hungkag sa kalidad. Sa pagtatayo ng mga gusali o ano mang imprastraktura, nariyan o kailangan ang masusing pag-aaral, paghahanda maging ng mahabang panahon upang matiyak ang katatagan ng itatayo at maiwasan ang ‘di kanais nais na kaganapan sa hinaharap. Ang sapat na pag-aaral sa lugar na pagtitirikan ng gusali ang inaasahan na basehan sa pag-ayon o pagpayag sa itatayo at sa uri ng itatayong gusali sa lugar. Hindi usapin ang pagtanggap ng nakararami sa lugar ng pagtitirikan, subalit ang masiguro ang kaligtasan o sapat na kagalingan ng lahat ang pangunahing basehan sa pahintulot na igagawad.

Sadyang masinsin ang paggagawad ng pahintulot sa bagay na malaking epekto sa Lipunan sa dahilan ng kagalingan ng bayan. Sa totoo lang, maraming mga gawa ang ‘di dapat pahintulutan ngunit nagaganap sa ngalan ng palakasan higit sa usaping pagpapahayag. At marami ang lumalabag sa alituntunin ng pagpapahayag na sinasangkalan ang Karapatan. Sa pagsusuri masisilip na lagpas ang pagpapahayag na sumisira sa kaayusan o katahimikan ng bayan. Ang pagbibigay pahintulot sa mga bagay na may epekto sa kaayusan ng lugar ang kailangang masiguro at positibo ang kalalabasan sa halip na problema sa kinabukasan. Ang tuntunin sa mga bagay bagay na pinapayaga’y ang dapat tuparin ng ‘di mapariwara ang madla at ang bayan. Ang matuwid na gawain kailan ma’y ‘di maging sagka sa landas na kagalingan ng nakararami.

Ang gawa sa nakaraan na nagbunsod ng malaking usapin sa bayan maging sa mundo na dahilan sa pagsasampa ng usapin sa hukumang dumidinig sa usapin ng maramihang pagpaslang sa bansa. Sa kawalan ng tiwala sa imprastraktura ng patas na katarungan higit ang inaakusahan ang dating lider na bantog sa pang-aabuso at paggamit sa mga unipormadong tauhan ng pamahalaan. Ang paghahain ng reklamo sa korte sa labas ng bansa ang tanaw na tamang kilos sa panahong bangit ng masiguro ang pagkamit ng patas na hatol na habol ng karaniwang tao na biktima ng programang bigong laban sa droga ng nakaraang pamahalaan. At sa totoo lang, ang mga pahayag na patayin ni Totoy Osla sa nakaraan, sinong Pilato ang maglalakas loob na maghain ng usapin sa lokal na hukuman kontra sa dating lider ng bansa. O’ baka ibig pumailalim sa lupa na may anim na talampakan ang lalim.



Sa totoo lang, ‘di mabilang ang salang gawa ng dating pamahalaan at ng lumakad ang panahon, siningil si Totoy Osla sa salang gawa ng Krimen Laban sa Sangkatauhan dahil sa bigong laban sa droga. Maselan ang usapin na dumaan ng matagal na panahon ngunit tunay na mahaba ang kamay ng katarungan na humantong sa pagpapasya sa pagdakip kay Totoy Osla aka Totoy Oblo upang sumalang sa pagdinig na gagawin sa ibang dako ng mundo. Sa pagdakip, lumapit ang katarungan sa mga biktima ng EJK ngunit lumayo ang tindig ng dating magkakasama sa politika. Hindi man lumalabas ang kulay ng mga dating kapanalig subalit tanaw ang lamat na pagkakahati sa tindig na gagawin. Sa totoo lang, sa pagkakadakip kay Totoy Oblo ang magiging sukatan sa magaganap na pagpapasipa sa abalang pangulo.

Kahalintulad ng pagtatayo ng mga gusali, ang pagpili ng gagamitin sa pagpapatibay ng haligi’y naka base sa uri ng materyal na magiging bahagi ng itinatayo. Ang isalang sa masusing pagsubok ang uuri sa bahagi na magpapatatag sa istrakturang itatayo. Sa pag-uri sa materyal ang magtitiyak ng kagalingan ng makakasama. Oo’ may kahirapan ngunit sa pagsubok na nagaganap o magaganap ang maghihiwalay sa dapat at ‘di dapat. Sa lagay ng usaping bayan, ang pumanig sa sala ay tulad ng pagtayo sa gusaling buhanginan na ampaw ang ilalim. Habang ang titindig sa tama asahan na kagalingan ng bayan at ‘di sa pansariling kapakanan ang layon.

Sa hinaharap ng mga Mangmang ng Katimugan. Silip ang galaw na hinahati ang Pinoy gamit ang salaping dinambong sa nakaraan upang tustusan ang pagkilos sambit ang ‘di marinig na kataga sa nakaraan, ang proseso ng katarungan. Ang mapait, ang katagang bangit ng lipi ng mangmang nalimot sa nakaraan na hanap ng maraming biktima na ‘di umabot sa hapag ng katarungan. Ang kabatiran sa batas ang kasalukuyang sandatang gamit na siyang ipinagkait sa maraming kaluluwa na humiwalay sa katawan. Sa kilos ng kabatiran sa batas, silip na ang katarungang hanap ang bagay na ‘di dapat ipagkait sa bawat tao na maaring nasadlak sa kamalian. At ang ibig sa kasalukuyan.

Sa mga nagaganap, malinaw na ginagamit ng Mangmang ng Katimugan ang usaping kinahaharap sa panggagatong sa taong bayan maging sa kinatawang bayan na mag-aklas laban sa kasalukuyang liderato. Usal ng kawan ng mangmang ang kawalan kuno ng galing ni Jun Singhot sa pamamahala ng gobyerno. At hindi alintana ng katimugan na ang tinatamaan sa salang gawa laban sa liderato ng pamahalaan ay ang taong bayan na hikahos sa kahirapan sa taas ng presyo ng bilihin. Sa pagbabalik sa usaping pangako sa nakaraang halalan ang ibinabato kay Jun Singhot. Subalit sa totoo lang, hindi dala ang usapin ni Mang Juan na mapalakas ang kabuhayan at ang sentrong usapin, katarungan kuno. Ang masakit, gamit ang nakulimbat na salapi sa galawang destab kontra sa pamahalaan.

Sa totoo lang, ibig makita ang kulay ng maraming kinatawang bayan higit ang mga pula’t puti na pakinabang pansarili ang bitbit at ‘di ang sa bayan. Mamataan ang tindig ng mga nasa bugok na kapulungan sa pagdinig na nabalam dahil sa pangulo ng nasabing kapulungan na tuwirang hinaharang ang pagdinig na hinain ng malawak na kapulungan. Habang si Baby Lina’y nagdaos ng pagdinig hingil sa ‘di babangiting usapin na silip ang pagsasalita at pagtatanggol ng asawa ni Pusong Ewan. Sa paglapit ng panahon ng ganap na halalan, hindi makitaan ng mahusay na tindig ang bugok na kapulungan na didinig sa usapin ng pandarambong ng abalang pangulo. Sa galaw ng bugok na kapulungan, kita na naghihintay ng kaganapan sa halalan at gagawin ang pagpapasya sa pagdinig kung malinaw ang larawan ng bilang ng mga mananalo, laban sa pula laban sa puti.



Panghuli, bantad ang ibig ng bulok na kapulungan na ‘di dinggin ang usapin ng pagpapasipa sa abalang pangulo. Ang tindig na ‘di tama sa kagalingan ng bayan na iniharap ayon sa malinaw na pagdinig na bunga ng mahusay na pagsisiyasat ng malawak na kapulungan. Sa ngayon bumaligtad na ang ayos ng mga kapulungan, at kayo ang magsabi ng kaayusan bayan. Muli, bayan tumindig ng tama at iwaksi ang mga bobo na humahabol na ibig maging kinatawan sa bugok na kapulungan.

Maraming Salamat po!!!!