Advertisers
Ibinahagi ng TRABAHO Partylist sa kanilang opisyal na Facebook page nitong Lunes ang video kung saan makikitang binigyan ng plataporma ni celebrity mom Melai Cantiveros-Francisco ang mga nagtitinda ng karne sa Mutya ng Pasig Mega Market na maipahayag ang kanilang mga suliranin sa paghahanapbuhay.
Nagpakilala sa pangalan na John at Warren, idinaing nila na ang mataas na presyo ng mga bilihin, tulad ng kanilang ibinebentang karne, ay isa sa kanilang mga suliranin dahil pinapahina nito ang kanilang benta.
“Mataas po ang presyo ng mga paninda ngayon. Hindi na po kaya minsan ng mga mamimili natin,” paliwanag ni Warren.
Ang tumataas na presyo ng mga sariwang karne ay nagtutulak rin umano sa mga mamimili na piliin ang mas murang alternatibo- ang mga karneng imported at frozen.
“Kalaban po namin ‘yon [frozen na karne]”, daing ni John.
“Kasi mas mura po yung frozen [na karne], paglilinaw ni Warren.
Sa harap mismo ng mga nominee ng TRABAHO, bilang 106 sa balota, dininig ang kanilang mga kinakaharap na pagsubok upang ito ay maaksyunan, at maisama sa legislative agenda ng grupo.
Hinimok din ni Melai ang mga nominee na ipaliwanag ang kanilang mga isinusulong upang maintindihan din nila Warren at John ang kahalagahan ng legislative agenda at paano ito makakatulong sa kanila.
“Sapat na sahod, sapat na kita, kalidad na trabaho, hanap-buhay, karagdagang benepisyo, patas na oportunidad po para sa lahat,” paglalahad ni nominee Atty. Johanne Bautista.
“Yes. kailangan talaga ng patas na oportunidad, hindi sila napag-iiwanan. Lalo na po kayo kasi kino-consider po namin kayong mga heroes lalo na nung pandemya. Kayo ang rason kung bakit busog ang mga pamilyang Pilipino,” dagdag pa ni nominee Ate Ninai Chavez.
Ikinatuwa nilang lahat ang makabuluhang pagdadaop-palad na ito, lalo pa ng bumili si Melai ng karneng pang-ulam para sa kaniyang pamilya.
“Dahil diyan bibili ako!,” wika ni Melai habang namimili ng karne.
“Syempre magluluto ako ng sabaw para sa mga anak ko,” pagtutukoy ni Melai sa kanyang mga celebrity rin na mga anak na sina Mela at Stella.
Hindi napigilang puriin din ng grupo si Melai sa kanyang ginawang paglalapit sa TRABAHO at mga naghahanapbuhay sa palengke sa Pasig.
“Siya [Melai] ay may puso ng mapagmahal na ina at ng Pilipinong may tunay na malasakit para sa kapwa manggagawa,” pahayag ng TRABAHO.