Advertisers

Advertisers

Ate Sarah Discaya Nangako ng Karagdagang Tulong para sa mga Single Parents at Pamilya ng mga Batang may Mental Health Conditions sa Pasig

0 8

Advertisers

NANGAKO si Cezarah Rowena “Ate Sarah” Discaya, kandidato para sa pagka-mayor ng Pasig, na bibigyan ng prayoridad ang karagdagang tulong para sa mga single parents at mga pamilya ng mga batang may mental health conditions, bilang pagkilala sa pangangailangan nila ng suporta.

Binigyang-diin ni Discaya ang kahalagahan ng pagtulong sa mga sektor na higit na nangangailangan, lalo na ngayong patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin at mga serbisyong pampubliko.

“Mahirap na ang buhay ngayon. Kung ang mga regular na pamilya ay nahihirapan sa taas ng gastusin, lalo na ang mga single parents na nag-iisa sa pagpapalaki ng anak, at ang mga magulang ng mga batang may kondisyon tulad ng ADHD at autism,” ani Discaya.



Personal niyang nauunawaan ang mga hamon na ito dahil lahat ng kanyang apat na anak ay may ADHD.

“Nauunawaan ko ang hirap na nararanasan ng mga magulang ng mga batang may ADHD. Alam ko ang kanilang pangangailangan at kung gaano kamahal ang mga therapy at ibang medikal na pangangailangan ng kanilang mga anak,” dagdag pa niya.

Kung siya ang magiging nahalal, magsusulong si Discaya ng mas maraming tulong medikal at mga serbisyo para sa mga batang may mental health challenges.

“Magsusulong ako ng higit na tulong medikal para sa mga batang may mental health conditions. Mahal ang mga paggamot at therapy, kaya’t dapat may suporta mula sa gobyerno para matulungan ang kanilang mga pamilya,” wika niya.

Nais din niyang itulak ang karagdagang benepisyo para sa mga single parents, tulad ng mas mataas na diskwento sa mga pangunahing bilihin tulad ng pagkain at mga grocery, upang matulungan silang makaagapay sa tumataas na presyo.



“Isa sa mga prioridad ko ay magbigay ng karagdagang tulong para sa mga single parents sa Pasig,” dagdag pa ni Discaya.

Binanggit din niya na responsibilidad ng mga lokal na lider na tiyakin na walang maiiwan sa pag-unlad.

“Habang ang bawat mamamayan ay may pantay na karapatan, kailangan nating kilalanin na ang mga magulang ng mga batang may mental health conditions, pati na rin ang mga single parents na walang katuwang sa pagpapalaki ng anak, ay may karagdagang gastusin at obligasyon,” aniya.

Tiniyak ni Discaya sa mga Pasigueño na sa ilalim ng kanyang pamumuno, ang mga pamilyang nangangailangan ng karagdagang suporta ay bibigyan ng tamang atensyon mula sa lokal na gobyerno.

“Sa aking panunungkulan, titiyakin ko na ang mga pangangailangan ng mga pamilyang kailangan ng karagdagang suporta ay matutugunan. Ito ang aking pangako sa mga tao ng Pasig, lalo na sa mga single parents at mga magulang ng mga batang may mental health conditions,” dagdag pa niya.

Kumpiyansa rin si Discaya na ang kanyang karanasan at track record ay magpapabuti sa buhay ng mga Pasigueño.

“Kumpiyansa ako na sa aking karanasan, magiging mas magaan ang buhay ng mga Pasigueño. Ang aking track record ay magsasalita para sa aking sarili. Walang politicking—ang sipag, pananampalataya sa Diyos, at tiwala sa sarili ang naging pundasyon ko sa pag-angat sa buhay,” pagtatapos niya.