Advertisers
INAAKUSAHAN narin ngayon ang isang ama na pumatay sa kanyang anak na lalaki at babae sa Taguig City sa pagpatay sa kanyang asawa na naunang naiulat na nagpakamatay.
Sinabi ni Taguig City chief of police Colonel Celso Rodriguez na ang pag-usad sa kaso ay base narin sa pahayag ng mga saksi at kamag-anak.
“Si Carina, na sinasabi natin noong una na natagpuang nagbigti, pero lumalabas ngayon na ito ay pinatay din nitong salarin,” ayon kay Rodriguez.
“Ang nangyari pala ay sinakal niya at ibinigti… upang paniwalain ang mga pulis o ng mga kamag-anak na si Carina ay nagpatiwakal,” dagdag ng opisyal.
Kinilala ang salarin na si Aiko Siacunco, na kusang sumuko sa mga awtoridad nitong araw ng Pasko matapos mapatay ang kanyang dalawang anak na edad 1, at 3-anyos.
Ayon sa salarin, nagawa niya ang krimen dahil sa tindi ng depresyon matapos mag-suicide ang kanyang misis na kanyang breadwinner nitong Christmas Eve.
Ayon kay Rodriguez, nag-away ang mag-asawa dahil sa tindi ng selos.
Dahil dito, nahaharap ang salarin sa three counts ng parricide.
Nakatakdang i-inquest si Siacunco ngayong Lunes, Dec. 28.(Gaynor Bonilla)